Sa nagdaang mga araw ng lockdown, bagama’t nabalot ang lahat ng lungkot dahil sa mga naging biktima na namayapa at ang mga naulila, nagkaroon ng mga takot sa virus at pagkabahala, pati na ang pagka-inip at yamot sa loob ng tahanan at ang mga problemang pinansiyal, mayroon din namang buting naidulot ang matagal na pananatili sa loob ng tahanan.
Bumida ang mga may positibong disposisyon sa buhay dahil di nagpatalo sa kalungkutan at pagkabagot. Naging pangunahing hashtag ang #iorestoacasa at #andratuttobene sa social media kadikit ang mga sari-saring pinagkaabalahanan ng ating mga kababayan, pati na rin ang mga bata ay nagbahagi ng kanilang mga dibuho ng bahaghari at mga puso na simbolo ng pag-asa.
Mayroong mga naging mala-chef at nakaluto ng iba’t ibang ulam at kakanin na ibinandera sa kani-kanilang mga Facebook at Instagram accounts. Ang iba naman ay gumawa ng mga gimik gamit ang app ng TikTok na kinatuwaan ng marami dahil sa di sila sanay na makikita ang mga ito na nagpapatawa, nagdadrama, sumasayaw o kumakanta. Ang mga dati nang nagsu-zumba ay nagtuloy pa rin kahit nag-iisa habang nakikisabay sa video ng kanilang Zumba instructor. May mga nakapag-blog din naman sa You Tube habang nagtuturo ng paggamit ng make-up, ang kanilang pananahi o ang kanilang mga naging pang-araw-araw na bonding sa kanilang pamilya.
Ang mga Filipino community organizations naman ay nakapagsagawa pa rin ng kanilang adbokasiya na makatulong sa ibang kababayan sa kabila ng mga restriksiyon sa paglabas bagama’t ang iba ay nagawa ito nang may permeso sa awtoridad. Kahit na pare-parehong tinamaan ng problemang pinansyal ay nakapaglaan pa rin para sa mga kinapos sa pangangailangan.
Mayroon din namang sinamantala ang pagkakataon upang magsanay pa nang husto sa paggawa ng kanilang mga naantalang sariling proyekto at ibinahagi upang makita ng iba sa pamamagitan ng social media ang mga natapos na mga damit, handicrafts, obra sa arte, karpinterya at paghahalaman.
Hindi rin naman huminto ang mga organisasyong nagsusulong para sa karapatan at kagalingan ng mga OFW at kanilang pamilya. Naigiit pa rin sa gobyerno at mga ahensiya nito ang mga nararapat na benepisyo sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho, humiling ng repatriation, tulong sa mga naulila ng mga naging biktima at ayuda sa mga kinailangan ang diplomatikong asistensa. Ginamit nila ang iba’t ibang pamamaraan ng panawagan sa gobyerno upang mapabilis ang tugon sa mga kahilingan ng mga kababayang naapektuhan ng krisis. Pati na rin ang panawagan sa pag-apela na maamyendahan ang mga batas na di pabor sa mga OFW.
Naging eye-opener din ang sitwasyon upang maging appreciative ang marami sa mga serbisyong ginagawa ng mga tinagurian ngayong mga bayaning frontliners, gaya ng mga doktor, narses, health at sanitary workers, maging ang mga nanatiling naglilingkod bilang mga tindera, tagahakot ng basura, mga nagpatuloy sa produksyon ng mga esensiyal na produkto, mga manunulat at tagapagbigay ng impormasyon, pati na rin sa mga lider ng mga organisasyon na patuloy sa pagmonitor sa kalagayan ng mga miyembro at mga pinuno ng mga grupong pangrelihiyon na nagpatuloy sa kanilang church service kahit sa paraang online.
Kapansin-pansin din ang naidulot ng lockdown sa ating kapaligiran dahil nakahinga ang kalikasan dahil sa eliminasyon ng polusyong dulot ng mga usok ng mga sasakyan at pabrika. Pati na rin ang pagkawala ng dating ingay at kaguluhan sa paligid ay nagsilbing hudyat sa mga hayop sa kagubatan na lumabas at makitang naglilibot sa mga kalsada. Ang mga halaman at puno ay naging sariwa at mabunga.
Huwag muna nating ipokus ang pananaw sa naging negatibong epekto ng lockdown sa ating pamumuhay dahil mabibigyan din natin ng kaukulang pansin ito base sa mga naging aral sa atin lalo na sa usaping pinansiyal, pangkalusugan at lipunan.
Ang mahalaga sa ngayon ay ang pagkatuon natin sa kahalagahan ng malusog na pangangatawan, oras at dedikasyon sa ating pamilya, pagsunod sa batas, maayos na financial management sa kita at appreciation sa serbisyo ng iba. (Dittz Centeno-De Jesus)