Sa panahon ngayon ng krisis dulot ng COVID19, nagkaroon ito ng malaking epekto sa mga aspetong pangkalusugan, pang-ekonomiya at panlipunan. Maraming indibidwal ang nakakaranas ng depresyon, takot at pagkabahala. Bukod sa ang sakit na ito ay nakamamatay, may dulot din itong matinding kalungkutan sa mga naiiwang mahal sa buhay, maging ng pagkatakot na sila man ay maging positibo din. Ang pag-iisip ng mga nabawasan o nawalan ng trabaho, kung saan kukuha ng pantustos sa mga araw-araw na gastusin ay isa ring epekto na dapat paglaanan ng kalutasan. Ang pagkakalayo-layo ng mga mag-anak, magkakaibigan at magkakasama sa mga asosayon o grupo ay pinaniniwalaan ding nagdudulot ng malaking bahagdan sa depresyon, mabuti na lamang at may social media at duon ay nakakapangumustahan.
Ano nga ba ang kailangan pang suporta ng ating mga kababayan sa panahong ito, bukod sa natatanggap na ayuda mula sa Comune na kinabibilangan, ang hinihintay na tulong mula sa ahensiya ng gobyernong Pilipinas dito sa Italya at ang mga groserya na bigay ng mga mapagkawanggawang grupo ng mga Pilipino? Base sa mga pag-aaral, malaki ang pangangailangan ngayon dahil sa epekto ng krisis sa pag-iisip at damdamin ng tao. Kaya kailangan ang Psycho-social counselling support.
Ano nga ba ito?
Ang psycho-social support ay isang probisyong psychological at social resource sa isang tao mula sa isang nagsusuporta na ang intensiyon ay para sa kagalingang harapin ang mga problema at isipin.
At bigyan din ng lakas ng loob ang tao at buhayin ang pag-asa sa puso nito na makalampas sa kinakaharap na suliranin. Karaniwan sa mga problema ay nag-ugat sa pagiging biktima ng isang sakit, namatayan ng mahal sa buhay, inabot ng kalamidad, giyera, kaguluhan, nakaranas ng karahasan o kaapihan sa kamay ng kapwa. Maging ang pagkainip dahil sa matagal na pananatili sa loob ng bahay ay nakakapagdulot din ng matinding stress at panic anxiety.
Gaano ba ang kahalagahan nito? Bukod sa nakakatulong sa tao na magbukas ng kanyang damdamin at naguguluhang kaisipan, nasusuri din ang tamang kalagayan at estado at nakakapagbigay ng tamang solusyon upang hindi na lumala pa sa ibang sintomas ng pisikolohikal na katayuan.
Ang pagpapayo ay tumatalakay din sa kakayahan ng tao na iayos ang kanyang emosyon at makapagdesisyon nang balanse para sa kanyang ikabubuti. Partikular na atensiyon ay binibigay sa emosyon, sosyal, bokasyonal, edukasyonal, pang-kalusugan, debelopmental at organisasyonal na alalahanin.
Kasama rin sa psycho-social support ang serbisyo para sa mental health counselling, pagbibigay-kaalaman, suportang espiritwal, solidaridad ng grupo at iba pang serbisyo. Ito ay maaaring maibigay ng mga propesyonal sa pangkalusugang mental gaya ng mga psychologist, social worker, counselor, specialized nurses, kaparian, pastoral counselor at iba pa. Kung may partikular na diagnosi ay maaaring isangguni sa iba pang may espesyalisasyon.
Ayon kay MARIA MAYA APO, isang registered social worker sa Pilipinas, at miyembro ng organisasyong PSYCHOSOCIAL SUPPORT/PSYCHOLOGICAL FIRST AID by REGISTERED SOCIAL WORKERS (PSS/PFA by RSWs), sila ay nagbibigay ng libreng PSS/PFA Counselling sa komunidad ng mga Pilipino sa Italya. Ang mga sesyon ay isasagawa sa pamamagitan ng online (Skype, Viber o Facebook). Maaari din namang magpadala ng email o kaya ay wireless na komunikasyon. Ang lahat ng impormasyon ay tatratuhing pribado o konpidensiyal. Nakipag-ugnayan sila sa Embahada ng Pilipinas sa Roma dahil batid naman ng lahat na ang Italya ay isa sa may pinakamalaking bilang ng biktima ng COVID 19 at patuloy pa rin ang lockdown dito at may mga pamilya na rin ng mga namatayan at nagkasakit na napaloob sa kuwarantina.
Ayon naman kay RAINELDA QUETUA CONTADO, isang registered social worker naman mula sa Malolos, Bulacan, kailangan din ito ng ating mga frontliners na siyang direktang humaharap sa mga biktima ng sakit, yaon ding gumaganap sa kanilang tungkulin bilang health at sanitary workers at volunteers, maging ang pamilyang naninimdim sa pagkawala ng kaanak at maging ang mga lider ng komunidad na siyang kadalasan ay napaghihingahan ng hinagpis ng mga may dinaramdam o kaya naman ay napagbubuntunan ng galit ng ibang di maka-intindi sa halaga ng kanilang ginagawa. Nagtalaga din ang Department of Social Welfare and Develoment (DSWD) ng mga social worker sa bawat rehiyon , probinsiya at siyudad sa Pilipinas, upang mapadali ang pagsangguni ng mga may problema na katulad ng mga nabanggit na.
Para sa mga overseas Filipinos sa Italya, na nais sumangguni sa mga social worker, maaaring makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Roma o sa Konsulato sa Milan, o kaya naman ay sa OFW Watch Italy sa pamamagitan ng Task Force Covid19 at maaaring ilapit sila sa mga social worker o kaya ay dumirekta na sa mga nakatalaga para sa overseas counselling, tulad ni MARIA MAY APO. May ilan na ring Pilipino ang natulungan at nabigyang-kaluwagan ang mga dinadalang saloobin. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)