Ayon sa website ng Ministero della Giustizia, sa huling ulat nito noong 31 August 2012, mayroong pitumpu’t dalawang (72) mga Pilipinong nakakulong sa Italya; 11 babae at 61 na lalaki (narito ang table). Karamihan sa mga ito ay nahuling nagbebenta ng shaboo hindi lamang sa ating mga kababayan kundi pati na rin sa mga Italyano at ibang lahing naninirahan sa Italya.
Shaboo, ano ito at anu-ano ang epekto nito sa katawan ng tao?
Ang shaboo o methampetamine ay isang uri ng ipinagbabawal na gamot, na ang karaniwang anyo ay kulay puting pulbos na tila pinong asin o tawas. Ito ay maaaring ihalo sa tubig at iturok. Ito'y maaari ring singhutin o langhapin; Ito'y tinatawag rin na ice o bato.
Ang shabu ay nakaka-"high" dahil pinapakawalan nito ang Dopamine sa utak ng tao. Ang Dopamine ay syang umaaksyon sa iba't ibang bahagi ng utak at ng katawan ng tao na siyang dahilan ng "high" o "rush" na tinatawag. Ang epekto nito ay nagtatagal sa katawan ng user mula 6 hanggang 18 oras.
Ano ang mga epekto ng shaboo?
Mga pangmadaliang epekto:
- Pagka-high o pagiging masayang masaya
- Salita ng salita
- Pag-iinit ng katawan
- Pagiging Hypersexuality
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagbilis ng paghinga
- Kawalan ng pagod
Mga pangmatagalang epekto:
- Pagka-addict
- Pagiging bayolente
- Pagkalito
- Pag-iiba ng personalidad at ugali
- Pagkawala sa sarili / Pagkasira ng ulo
- Hindi makatulog / Hirap matulog
- Pagbawas ng timbang
- Pagkadinig o pagkakita ng mga bagay na hindi naririnig/nakikita ng iba
- Mga komplikasyon sa utak, puso, at iba pang bahagi ng katawan
Unti-unti ring nabubungi ang mga ngipin, nalalagas ang buhok at nade-deform ang histsura ng mukha.
Ayon sa iba’t ibang patotoo, hahanapin ng katawan ang 20 beses na gamit nito upang maranasan ng husto ang epekto. Dito sa Italya, ito ay hinahanap hanap ng mga hindi Pinoy na nakatikim na nito dahil sa epekto nito, 8 hanggang 10 beses kumpara sa cocaine.
Sa madaling salita: Nakakasira ng buhay ang paggamit ng shaboo. Bukod dito, maaari rin itong magbigay ng sensasyon ng pagpapakamatay o ang nais pumatay ng tao. Tinatawag na methampetamine toxicity ang nao-overdose ditto. Ito'y nangyayari sa mga nasobrahan ng gamit ng shaboo, dilat ang mata, mataas ang presyon, hindi regular ang tibok ng puso, pinagpapawisan, nag-iinit at hindi makatulog ang pasyenteng nalason nito.
Samakatwid, ang shaboo ay isang delikadong gamot na dapat iwasan di lamang ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan na maaaring naaalok o naimbitang subukan ito. Ang shaboo ay nakakasira ng buhay ng tao.