Sa mabilis na pagtakbo nitong kamay ng orasan
Ang bakasyon ay natapos nang hindi ko namalayan
Ang sandaling ginugol ko sa piling ng kaibigan
Ay sandaling hinding hindi magagawang kalimutan
Pagkatapos ng bakasyon pagkatapos ng dalawang buwan
Atin muling sisilipin ang naiwang eskwelahan
Ang kwaderno at ang lapis ay kukunin sa taguan
Ang maestro at maestra ay pamuling babalikan
Kung mayroong natutuwa at ang eskwela ay na-miss
Isang bagay ang tiyak ko mayroon ding naiinis
Mayrong ayaw na makita ang kwaderno at ang lapis
At aayaw na marinig ang sa maestrang boses
Ngunit anong magagawa ito’y sadyang kailangan
Sa ayaw at sa gusto mo eskwela ay babalikan
Ito’y isang obligasyon lalo na sa kabataan
Pagkat dunong na hanap mo ay dito matatagpuan
Kaya ngayon paalam na oh bakasyong pagkasaya
Pagkatapos ng sampung buwan babalikan uli kita
At sa aking pagbabalik muli tayong magkasama
Muli nating pupuntahan ang lugar na masasaya
Akin munang haharapin obligasyong nararapat
Akin munang uunahin kung ano ang siyang dapat
Sarili ko’y ihahanda sa pagtupad sa pangarap
Upang bukas ang araw ko ay maganda itong sikat
Kabataan gumising ka at bumangon ng maaga
Sarili mo ay ihanda sa pagpasok sa eskwela
Sa iyo ay naghihintay ang maestro at maestra
Sa paghahanap ng bukas mo sila’y handang tulungan ka
Kabataan pilitin mong ibukas ang iyong mata
Harapin mo ang mundo mo nang may ngiti at may saya
Dalawang buwan na bakasyon sa ngayon ay natapos na
Sa ayaw at sa gusto mo magbabalik eskwela ka
ni: Letty Manigbas Manalo