Sa edad na siyam na taon, umani na ng maraming karangalan sa larangan ng karate ang Pilipinong Karate Kid.
Hindi na mabilang ang mga kabataang Pilipino na unti-unting tumatawag ng pansin at nakikilala sa Italya dahil sa kani-kanilang pag-angat sa iba’t-ibang larangan. Isa na dito ang siyam na taong gulang na si Carl Vincent Ortega Aloya na namamayagpag sa larangan ng KARATE. Si Carl Vincent ay nakasanayan ng tawaging Carlo ng kaniyang mga magulang at malapit na mga kamag-anak. Siya ay ipinanganak noong Oktubre 23, 2000, mismo sa siyudad ng Terni. Siya ay panganay na anak nina Mr. & Mrs. George Napa Aloya na naninirahan sa Terni sa loob na ng mahigit na labing-limang taon.
Hindi naman katakatakang magkaroon ng malaking interes si Carlo sa karate dahil ang kanyang tatay na si George ay dati ng kasapi ang iba’t-ibang pangkat sa Pilipinas na may kinalaman sa self defense, katulad ng Arnis, Judo Karate at Taekwando. Sa kasalukuyan, siya ay aktibo pa rin sa mga pagsasanay ng Kali Silat at Krav Maga Contact Combat sa Terni.
Sa loob lamang ng tatlong taon magmula ng magsanay si Carlo ng karate ay agad siyang kinakitaan ng mabilis na pag-unlad sa nasabing larangan. Isang pagpapatunay nito ay ang mga premyong medals na nakamit ni Carlo sa iba’t-ibang mga karate competition sa Italya. Maituturing na hindi masyadong naging maganda ang resulta ng kauna-unahang competition kung saan isinali si Carlo pagkaraan lamang ng tatlong buwan na pagsasanay. Hindi naman nadismaya si Carlo sa resulta ng nasabing kompetisyon at itinuring na lamang niyang isang malaking hamon ang kanyang pagkatalo. Hindi naman siya nabigo dahil ang kanyang sumunod na laban, sa kompetisyong First Coppa del Presidente Kata noong Pebrero 22, 2009 na ginanap sa Monterotondo, nakamit niya ang ikalawang pwesto. Itinuturing ng batang si Carlo na ang pinaka-espesyal na competition na kanyang nasalihan ay ang 3° Campionato Italiano e Coppa Italia na naganap noong Abril 17-18, taong kasalukuyan sa Tivoli.
Bukod sa nakamit niya ang markang 1° Classificato, marami din siyang nakilalang mga bagong kaibigan sa nasabing kompetisyon.
Si Carlo ay kasalukuyang sinasanay ni Maestro Luigi Gigante (Maestro di Karate 5 dan) sa ilalim ng grupong Shitoryu Shikokai Union Karate Italia. Mismong si Maestro Luigi ang nagbansag kay Carlo na “il piccolo drago” dahil sa kanyang sunod-sunod na pagkapanalo sa iba’t-ibang mga karate competition sa bansa. Bukod pa dito, sa murang edad na siyam, si Carlo ay kinakitaan din ng matinding pagmamahal at dedikasyon sa karate.
Hindi lamang sa karate champion si Carlo dahil matataas din ang kanyang mga grades sa halos lahat ng kanyang subjects. Music at History ang kanyang paboritong mga subjects. Sa kanyang paglaki, pinapangarap niyang maging maestro din ng karate. Si Carlo ay nakatakdang magpakitang gilas sa Cambio di Cintura sa darating a Sabado, Hunyo 26 at nakakasigurado ang lahat na habang binabasa ninyo ang artikulong ito ay naipagkaloob na kay Carlo ang plain orange belt (Nang siya ay nakapanayam noong Hunyo 22, ang kanya pang hawak na belt ay yellow-orange). Walang kaduda-duda na kayang kaya niyang masupera ang pagsusulit sa pagpapalit ng belt. Todo todo ang suportang ibinibigay ng mga magulang ni Carlo sa kanya, kasama na ang bunso niyang kapatid na si Alessandro. Kaya naman walang duda ang magiging tagumpay pa niya sa larangan ng karate sa darating na panahon.
Para sa future black-belter na si Carlo, ikinakarangal ka ng bawa’t Pilipino. Sana ay maging huwaran ka ng iba pang batang Pilipino na naririto sa bansang Italya. Mabuhay ang mga kabataang Pilipino sa Italya! (Rogel Esguerra Cabigting)