Ang tulang ito ay aking handog para sa aking ina at sa lahat ng ina sa mundo!
Ilaw ng tahanan kung siya’y tagurian
Dakilang handog ng Diyos sa tanan;
Sinuman ay tiyak na maliligayahan
Sa taglay na buti ng kanyang katauhan.
Ako, ikaw at siya, sadyang mamamangha
Sa mapag-arugang puso niya na isang biyaya;
Alin pa kayang pag-ibig ang makahahangga
Sa ganoong pag-ibig na batbat ng hiwaga.
Saanman at kailanman, siya’y masasandalan
Kandili niya sa atin, di mapapantayan;
Mahal na ina, ikaw ang aming kahilingan
Sakripisyo mo, kalian pa naming matutumbasan?
Lahat ng hilahil, iyong nilalagpasan
Ito’y kadakilaan na alay kaninuman;
Tigib ng galak, bawat isa sa tahanan
Sa pagmamahal mo na ipinararamdam.
Dakila ka ina, higit ninuman
Dito sa puso namin, ikaw ay mananahan
Salamat sa lahat, sadyang di malilimutan
Inyong mga bigay mula nang kami’y isilang.