in

Emergency Hotlines sa Italya, pinag-isa na lamang sa NUE 112

Emergency Hotlines sa Italya, pinag-isa na lamang sa NUE 112

Bagamat hindi masyadong napag-uusapan, ang mga numerong tinatawagan sa oras ng pangangailangan ay unti-unti nang mawawala at pag-iisahin na lamang. Ang mga kilalang emergency hotline numbers na 112 (carabinieri)  113 (forze di polizia) , 115 (vigili del fuoco),  at 118 (assistenza sanitaria) ay pinagsama-sama na sa numerong   1-1-2  (Uno-Uno-Due). Ito na ang tinatawag ngayong Numero Unico d’Emergenza o  NUE 1-1-2.

Ang layunin ng hakbang na ito ay mas mapabilis ang pagrisponde ng mga awtoridad sa bawat tawag na matatanggap. Mas madali din itong maisaulo ng mga mamamayan. Ang 112 ay ang numerong tatawagan kapag nasa loob ng teritoryo ng European Union. Mas mabilis makatawag ng saklolo at hindi na kinakailangan pang hanapin ang emergency number ng bawat bansang pupuntahan. Sa madaling salita, ang 112 ay maihahambing sa Rescue 911 ng America. 

Taong 2010 pa nang magsimula ang transition program na ito ng gobyerno. Ang mga naunang walong rehiyon na gumamit ng NUE ay ang mga rehiyon ng Piemonte, Liguria, Valle d’Aosta, Lombardia, Trentino Alto Adige, Friuli Venezia Giulia at ilang bahagi ng rehiyon ng Lazio at ng Sicily. Makalipas ang mahabang panahong paghahanda ay napabilang na rin ang rehiyon ng Toscana at ilang probinsya ng rehiyon ng Marche tulad ng mga probinsya ng Ancona, Macerata, Ascoli Piceno at Fermo. Mula naman sa katapusan ng kasalukuyang buwan ng marso ay pati na rin sa Probinsya ng Pesaro Urbino. Inaasahang sa lalong madaling panahon ay susunod na ang natitira pang mga rehiyon sa buong bansa.

Gaano ka-practical ang 1-1-2?  Mas ginawang simple ang lahat ng tawag ng emergency. Ang operator ay multi-lingual.  Maaring i-dial ang numerong ito na walang bayad mula sa landline, public phone booths, o cellphones. Ang cellphone  na  walng signal, blocked, walang SIM, o walang load ay maaring ding makatawag sa 112.

Agad na tutugon at magpapadala ng tulong ang emergency operator ng 112 base sa pangangailangan ng tumawag. Sa unang sandali ng tawag ay alam na agad nito ang eksaktong lugar ng caller.

Maliban sa pagtawag sa 1-1-2 ay maaari ding gamitin ang APP 112 na “WHERE ARE YOU” sa mga smartphones. Ang app na ito ay maaring gamitin ng mga taong may kapansanan dahil ito ay PWD friendly. Malaking tulong sa central unit ang paggamit nito.  Kahit hindi natin alam ang ating kinaroroonan ay kita ng operator ang lugar sa computer. 

Mga dapat tandaan:

  • Pag kailangan ng tulong ng mga pulis, ambulansya, o ng bombero, agad na tawagan ang 112
  • Hanggat maaari, maging precise sa lahat ng impormasyon na ibibigay sa operator. Saan, anong tulong, at sino at ano ang kundisyon ng nangangailangan. Kung hindi alam ang lugar, ang operator na ang gagawa ng paraang matukoy ang lugar. 
  • Huwag tatawagan ang 1-1-2- para sa impormasyon ng trapiko, panahon, o mga bagay na walang kinalaman sa emergency
  • Pag nagkamali sa pagtawag sa 1-1-2 ay HUWAG ibababa ang telepono. Sabihin sa operator na nagkamali lamang at walang problema. Kapag ibinaba ang telepono ay maaring magpadala ng pulis ang operator para masigurong walang emergency sa lugar ng tumawag.
  • Ituro sa mga bata at ugaliing bigkasin ang numero bilang 1-1-2 (Uno-Uno-Due) at hindi centododici . Maaaring malito sila at i-dial ang  100-12  (centododici) at masayang ang mahahalagang sandali para sa mga rescue teams. (Quintin Kentz Cavite Jr.)
Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Green Pass sa pagpasok sa mga restaurants at bars? Pinag-aaralan sa Italya

Ako Ay Pilipino

Permesso di soggiorno, nag-expired habang nasa Pilipinas. Maaari bang mag-aplay ng re-entry visa?