Sina Ai Ai delas Alas, Dolphy at Eugene Domingo ang mga top winners sa gabi ng parangal ng 36th Metro Manila Film Festival MMFF na ginanap sa Meralco Theater noong Linggo.
Si Ai Ai ang nanalo bilang best actress award para sa Ang Tanging Ina Mo, Last Na ‘To. Ito ay isa sa kanyang pangarap, na magkaroon ng best actress trophy mula sa MMFF.
Maliban sa best actress trophy niya, humakot ng karangalan ang nasabing pelikula.
Ang Ang Tanging Ina Mo ang nanalo sa best picture category at nagbigay ng best director award kay Wenn Deramas. Nakuha rin ng Ang Tanging Ina Mo ang Best Story at Best Screenplay (Mel del Rosario), Most Gender Sensitive Award at Best Musical Score para kay Jessie Lasaten. Best child performer si Xyriel Manabat para pa rin sa Ang Tanging Ina Mo.
Ayon kay Ai Ai, habang nagaganap ang gabi ng parangal ay sobrang ang nerbyos na nararamdaman at nanatili sya sa backstage at ilang beses na nagbalak na umuwi.
Nadagdagan at lalong humaba kahapon ang pila ng manonood sa mga sinehan na pinagtatanghalan ng Ang Tanging Ina Mo dahil sa mga parangal na hinakot nito.
Nasa ibang bansa si Eugene Domingo kaya hindi nito personal na natanggap ang kanyang best supporting actress trophy.
Doble naman ang tagumpay ni Mang Dolphy sa awards night ng 36th MMFF dahil siya ang nanalo ng best actor (Father Jejemon) at best supporting actor (Rosario) trophies.
Hindi dumalo sa gabi ng parangal ang Comedy King kaya si Albert Martinez ang tumanggap ng kanyang best supporting actor award. Ang pamangkin ni Mang Dolphy at ang Father Jejemon director na si Frank Gray, Jr. ang umakyat sa stage at tumanggap sa best actor trophy ng Comedy King.
Disappointed naman ang mga supporter ni Albert Martinez dahil hindi ito nominado sa best director category.
Dismayado rin ang mga tagahanga ni Jennylyn Mercado dahil hindi siya nominated sa best actress category.
Si Albert ang direktor ng Rosario at si Jennylyn ang lead star. Second best picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, best cinematography, best editing, best production design at best float ang mga parangal na tinanggap ng Rosario.
Third best picture ang RPG Metanoia na nag-uwi rin ng best sound at best theme song. Si Rico Gutierrez ang nagwagi ng best visual effects para sa Si Agimat at Si Enteng Kabisote. Napanalunan din ng pelikula nina Bong Revilla, Jr. at Vic Sotto ang best make-up.
Hindi kasali ang pangalan ni Bong sa top three best actor nominees pero siya ang nanalo ng special award na Male Face of the Night. Female Face of the Night winner si Sam Pinto, ang leading lady ni Bong sa Si Agimat si Enteng Kabisote.
Mali ang impression ng ibang tao na hindi nominated ang mga artista at direktor na kanilang sinusuportahan. Malinaw ang binasa ng mga award presenter, ang top three nominees lang ang kanilang babasahin pero nagkamali pa rin ang nagsulat sa spiel na binasa ni Congresswoman Monique Lagdameo ng Makati City.
Ang kongresista ang kasama nina Sam Pinto at Jake Cuenca sa announcement ng best supporting actor winner.
Dalawang beses na sinabi ni Lagdameo na sina Alwyn Uytingco, Roy Alvarez, Sid Lucero at Dolphy ang top three nominees sa best suppor¬ting actor category. Hindi napansin ng scriptwriter na apat at hindi tatlong pangalan ang kanyang isinulat sa spiel card.