in

GREENER PASTURE

 

 

 

 

 

 

 

 

‘Sang magandang panaginip, ang gumising sa diwa ko
Sa mahimbing na pagtulog, ay ginulo ang isip ko
Ako raw ay naglalakad, sa ibabaw nitong mundo
Na ang tanging kaagapay, mga Angel ng buhay ko

Unang Angel ay nagbulong, at ito ang kanyang sabi
Ako raw ay mag daraanan, sa luntiang kulay berde
Ang akin daw tatapakan, mga damong sakdal dami
Upang itong aking paa, sa tinik ay libreng-libreng

Ang akin daw babagtasin, ay kaniyang hahawanan
At gagawin niyang patag, ang landas na daraanan
Itong aking mga kamay, ay kaniyang hahawakan
Upang kahit na mabuwa, diretso sa kandungan

Ang sabi ng ikalawa, ako raw ay igagawa
Ng palasyong sakdal laki, may maluwang na bintana
Sa loob daw ay lalagyan, ng lamesang sakdal haba
Na siya kong gagamitin, sa pagsulat nitong tula

Kanya rin daw palalagyan, ng malawak na swimming pool
Upang ako kung maligo, ay doon lang maglalangoy
Di raw ako mararating, niyong hangin na sisimoy
Pagkat meron daw hot water, na sa akin ay sasaboy

Ang pangatlo’y bumanat din, niyong kanyang nalalaman
Siya daw ang kasama ko, sa lahat kong pupuntahan
Anuman ang gagawin ko, ako’y kanyang babantayan
At sa oras ng pagkain, ako’y kanyang susubuan

Siya raw ang magluluto, niyong aking kakainin
Pagkat siya ay eksperto, sa masarap na pagkain
Ang lahat na masustansya, ibinigay nya sa akin
Upang itong katawan ko, ay sagana sa vitamin

Siya raw ang aking tungkod, na sa akin ay aakay
Magsisilbing body guard ko, na sa aki’y aalalay
Pag meron daw magtatangka, na sa akin ay umagaw
Ay kanya raw bubuntalin, Flying kick ang ibinigay

Pagkatapos niyong tatlo, ay meron pa na sumipot
Tatlong Angel na maganda, puting-puti iyong suot
Simpleng-simple ang sinabi, “hwag daw akong matatakot
Pagkat lahat nang plano ko, sila’y laging naka support

Unang Angel nang dumating, tatlong Manika ang bitbit
Iyon daw ang alay nila, pag birthday ko ay sumapit
Sila din daw ang aakay. Pagtuhod ko ay sumakit
At sila din ang babantay, pag mata ko ay pumikit

Ang padalawa nang dumating, dalwang regalo ang dala
Ang isa ay parang barbie, nakabihis ng pang reyna
Ang isa ay parang robot, spider man ang hitsura
Anupa at enjoy ako, sa regalo nilang dala

Ang pangatlo’y iba naman, iyong kanyang dalang handog
Isang bangang pagkalaki, na ang hugis ay pabilog
Doon daw nya inilagay, at doon nya inihulog
Ang lahat ng pangaral ko, na sa kanya ay humubog

Oh kay gandang panaginip, ako sana’y balìkan mo
Upang muling magkabuhay, ang namatay ko nang mundo
Ako ngayon ay babangon, pagkat ALAS ay Hawak ko
Ito’y aking ilalaban, at tiyak ko ang panalo

Ang buhay ko ay nagulo, GREENER PASTURE ang dahilan
Ito’y aking pinaghanap , at pinilit na makamtan
Ito lamang ang pamanang, sa anak ko ay iiwan
Ngayo’y akin isisigaw, GREENER PASTURE aking tangan !!!!!

ni: Letty Manigbas Manalo

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Visa rules ng Japan, niluwagan mula Hulyo 1

Pinoy Summer Sportsfest ng PDBA sa Palermo Idinaos