Noong Semana Santa na naman tiyak sikat na naman ang notorious character na si Hudas. Dahil ang tingin nating mga Pinoy siya ang tunay na salarin, ang tunay na nagpako kay Kristo.
Kaya nga ang tawag natin sa mga taong walang-puso ay hindi Pilato, Barabas, Caiaphas, Hudyo o Romano, kundi “Hudas Ka!”
Eleksyon na naman. At lalabas na naman ang ilang mga kandidatong manunuyo ng ating boto, mangangako sa entablado, magpapakabait sa media at maghahatid ng bagong pag-asa at pagmamahal sa ating bansa. Ngunit kapag nahalal na ay hahalik sa ating mga pisngi at tayo’y ipagkakanulo. Magtatraydor kapalit ng paghakot ng pilak ng bayan. Parang si Hudas. Kaya para sa atin, sila ang tunay na nagpapako kay Juan de la Cruz sa kahirapan.
Ngunit tama nga bang tawagin silang Hudas?
Para sa marami, oo. Sa totoo nga ay natanggap na natin itong katotohanan. Na parte na ng politika at gobyerno ang pagkakaraoon ng mga Hudas. Kaya’t ang eleksyon ay walang saysay na para sa ilan. Pare-pareho lang naman sila. Mas mainam pang i-boycott na lang ang eleksyon o ipagbili na lang ang boto.
Ang iba naman ay wais. Tatanggapin ang ibinibigay ng kandidato ngunit iba ang iboboto. Naisahan ang mga Hudas. Tutal babawiin din naman nila iyon pag nasa poder na. At least, may dagdag pangbigas at ulam pa kaysa naman wala.
Subali’t para sa akin, hindi tamang tawagin ang mga politikong Hudas. Insulto yan sa kanyang pagkatao:
- Si Hudas ba ang tinitingalang lider ng Israel noon? Hindi.
- Si Hudas ba ang humaharap at nagpapakabait sa harap ng publiko? Hindi.
- Si Hudas ba ang may hawak ng mga kawal na humuli kay Kristo? Hindi.
- Si Hudas ba ang nanuhol ng mga taong sisigaw ng “Ipako sa Krus”? Hindi.
- Si Hudas ba ang nagbayad ng 30 pirasong pilak? Hindi.
Eh sino si Hudas?
- Siya ba ay isang pangkaraniwan lamang na mamayang Hudyo? Oo.
- Siya ba ay isa sa mga tahimik na sumusunod sa mga batas ni Moises at Cesar? Oo.
- Siya ba ay ordinaryong manggagawa at manggagapas ni Kristo sa kanyang ubasan? Oo.
- Siya ba ang umiintindi sa araw-araw na gastusing-pamilya ng munting buklod ni Kristo? Oo.
- Siya ba ang nagbenta ng kanyang prinsipyo kapalit ng 30 pirasong pilak na suhol? Oo.
Samakatuwid, kayong mga nagbebenta ng boto, kayong mga tumatanggap ng illegal na kumisyon pag may mga projects, kayong mga fixers, kayong mga nagdadagdag nang labis na tubo sa negosyo, kayong mga nagpapautang nang 5-6, kayong mga nangunguwarta sa mga kababayan, kayong mga mukhang-pera gaano kailit man na halaga… “Hudas Ka!”
(Fr. Rex Fortes, CM)