in

Huwag magpalugmo sa stress!

Sa mundong ito na ating ginagalawan, ang mga problema ay laging naka-paligid lamang at kung hindi tayo magiging malakas at matatag ay napaka-dali para sa atin ang mapagod, manghina, mawalan ng pag-asa at magkasakit.

Ang ilan sa mga problemang ito ay tulad halimbawa ng kawalan ng trabaho, problema sa pamilya, trabaho, pinansyal, karamdaman at pagkawala ng isang minamahal at marami pang iba na nagdudulot ng depresyon.

Ayon sa mga eksperto, ang stress ay isang sanhi ng panghihina ng katawan at isipan ng tao. At kapag hindi ito napaglabanan ay maaring magdulot ng mas malubhang sitwasyon lalo’t higit sa kalusugan.

Kung kaya’t narito ang ilang tips na sana ay makatulong sa inyo kung paano natin maiha-handle ang ating mga sarili sa kabila ng nakaka-stress at mabilis na ikot ng mundo, partikular sa mga Pilipino sa Italya.

1.      Kung nagtra-trabaho bilang isang colf at ang tambak na gawin sa bahay ng employer ay tila nakakapanlula at nakapanlulumo, pansamantalang tumigil kahit limang (5)minuto lamang. Ipikit ang mga mata at gawin ang inhale-exhale practice. Makagagaan ito sa nararamdamang tension. Lumabas ng silid at tumingin sa labas at lumalanghap ng sariwang hangin.

2.      Panatilihin ang tamang diet. Kumain ng mga gulay at prutas na magbibigay sigla sa nanghihinang katawan. Uminom ng tubig sa tamang pangangailangan ng iyong timbang. Iwasan ang mga pagkaing puno ng preservatives at cholesterol.

3.      Ugaliin ang pag-ehersisyo o kahit mga ilang minuto na paglalakad ng buong kalma at hindi nagmamadali.

4.      Makinig ng mga musika na aangkop sa iyong hilig. Gayunpaman, ang mga musikang may puso at maaring magpakalma.

5.      Magbasa ng magagandang libro na maaring makatulong sa paglibang sa sarili. Ang Bibliya ay huwag hayaang nakatago at mapuno lamang ng alikabok. Pagnilayan ang mga salita ng Diyos na makapagpapalakas ng ating Espiritu at naguguluhang isipan.

6.      Pag-uwi ng bahay, manood ng masasayang panoorin o pelikula. Maaari ring magpunta ng sinehan at manood ng isang magandang film.

8.      Kung kina-kailangang magpagupit o magbago ng estilo ng buhok, bakit hindi ito subukan. Kung makatutulong upang ma- boost ang inyong confidence sa sarili.

9.      Matulog ng tama sa oras (depende ito sa edad).

10.  Kausapin ang mga taong malalapit sa iyo. Baka minsan ay kailangan lamang ng tamang komunikasyon. Palibutan ang iyong sarili ng mga taong positibo ang pananaw at buo ang kumpyansa sa sarili. Lalo’t higit ng mga taong nagmamahal at minamahal.

11.  Dress neatly and observe orderliness. Hindi kailangan ang magsuot ng mamahaling mga bagay upang gumaan ang pakiramdam. Isuot ang mga komportableng damit at style na naayon sa iyong kagustuhan. Panatilihin ang good grooming. Kung mabigat na ang kalooban at isipan huwag mo nang dagdagan pa. Maging maayos sa sarili gayundin sa mga kagamitan.

12.  Sumali o makilahok sa mga grupo o programa na maaring makatulong sa iyo at sa ibang tao, tulad ng mga organisasyon sa Simbahan o komunidad.

13.  Kung kina-kailangang minsan ay mapag-isa upang makapag-isip ng tama. Kausapin ang sarili (hindi ito nangangahulugan ng pagka-baliw o pagkawala sa sarili). Isa itong uri ng meditasyon upang matimbang kung ano ang sitwasyon sa iyong buhay. Magmuni-muni upang malaman ang tama at mali at ng magkaroon ng tamang solusyon sa problema.

14.  Kung masyadong mabigat ang dalahin ng kalooban subukang humingi ng tulong sa mga taong pinagkakatiwalaan tulad ng Pari, madre, kaibigan, kapamilya o mga taong sa palagay mo ay may kakayahang makapagbigay ng suportang moral. Mga taong hindi mapanghusga at handang makinig. Huwag matakot kung kailangang makipag-usap sa mga psychologist o propesyonal sa ganitong larangan.

15.  Matutong ngumiti at tumawa. Magkaroon ng magandang pakikitungo sa mga kasamahan, kaibigan, pamilya at sa mga taong nakapalibot sa iyo.

16.  Magsimba at magdasal. Hindi lamang katawang lupa ang nangangailangan ng higit na atensyon, higit ay ang ating mga Espiritu. Ang maganda at maayos na komunikasyon sa Panginoon ang higit na magbibigay kalakasan sa nanghihina at nauupos na kalooban. Hindi lamang tayo nabubuhay para sa materyal na bagay. May mga bagay sa buhay natin na higit na kailangan ay ang pagtitiwala sa Diyos.

Ilan lamang ito na maaaring makagaan ng nararamdaman at makatulong sa mga pinagdadaanan.

Iba’t- iba man ang ating mga pinagdaraanan kailangan palagi ay tibay ng loob. Kung ang ating pananaw sa buhay ay masyado nang madilim, hindi mo kailangang itago pa ang sarili at lalong ilugmok sa kadiliman. Napakaganda ng buhay. Huwag sana tayong maging abala lamang sa mga materyal at nauubos na bagay, bigyang atensyon at importansya natin ang ating relasyon sa kapwa at sa Panginoon.

Tanggapin natin sa ating sarili na hindi lahat ng katanungan ay may kasagutan kung kaya’t ang pagkakaroon natin nang bukas na puso at isipan ay maaring maging gabay natin sa pang araw-araw na buhay.

Mahiwaga ang buhay ng tao. Huwag maging abala sa bukas, sapagkat ang ngayon ay sapat na. Mayroon tayong Ama sa Langit na laging nagmamahal, nag-aaruga at nagbubuhos sa atin ng di malirip na kaligayahan. Tanggapin natin Siya sa ating puso at ipaubaya sa Kanya ang lahat. Magtiwala tayo sa Diyos.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Opisina ng Customs sa Malpensa airport, sinunog ng isang Pinoy

20 araw matapos maisumite ang aplikasyon ng Flussi 2019 at walang tugon ang SUI, ituturing na tanggap!