Bago gawin ang shopping list ay kailangang magkaroon ng solid plans kung paano gagamitin ang pinakahihintay na ‘tredicesima’.Narito ang ilang tips.
Roma – Ang Disyembre, bukod sa panahon ng pagbibigayan ay panahon din ng mabigat na gastusin. Ito ay panahon ng mga reunions ng mga pamilya at mga kaibigan kasabay ng inaasam-asam sa buong taon, ang pagtanggap ng 13th month pay.
Ngunit bago gawin ang shopping list, sa panahon ng matinding krisis, ay kailangang magkaroon ng solid plans kung paano gagamitin ang pinakahihintay na ‘tredicesima’.
Narito ang ilang tips kung paano ito makabuluhang gamitin:
1. Alamin ang budget
Kahit pa ‘doble’ ang halagang matatanggap sa buwan ng Disyembre kumpara sa ibang buwan, siguraduhing mananatiling ‘tapat’ sa inyong budget. Italaga ang amount na nais gastusin sa pagdiriwang ng Pasko: maaaring regalo, pagkain o bakasyon, ngunit manatiling tapat sa itinakdang allocation. Tandaang huwag lalampas sa itinakdang halaga at huwag kalimutang kailangang isama sa budget ang usual expenses tulad ng utilities atibapa.
2. Bayaran ang utang
Walang pinaka-angkop na panahon ng pagbabayad ng utang kundi ang Christmas time. Ito ay dahil sa karagdagang cash, ang utang ay mababayaran ng hindi apektado ang usual household expenses. Kung makakaya, doblehin ang halaga ng regular monthly payments. Bukod sa mababawasan ang interes, ito ay isang makabuluhang paraan.
3. Ang Pasko ay panahon din ng pag-iimpok
Para sa mga pinalad, ang Pasko ay panahon ng pagtanggap ng mas malaking halaga kumpara sa ibang buwan. At dahil ang Pasko ay isang beses lamang sa isang taon, para sa ilan ay dapat itong marangyang ipagdiwang. Bakit hindi subukang tingnan ang kabilang aspeto nito? Na ang pagtanggap ng ‘doble salary’ ay isang beses lang din nangyayari sa isang taon. Dahil dito ay kailangang pahalagahan ito at iimpok sa halip na hayaang masayang ang bawat cents nito.
4. Bigyang halaga ang pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo
Hindi porket nagbigay ng mamahaling regalo ay mahalaga na ito. Kadalasan, ang sariling gawa tulad ng pagluluto ng pagkain o pagguhit ng larawan ay higit na nais ng mga mahal sa buhay at kaibigan. Maaari ring alamin ang pangangailangan ng reregaluhan upang sakto ang maibibigay sa kapaskuhan. Samantala, huwag ring sayangin ang mga regalong natanggap sa nakaraan na hindi nagustuhan. Ito ay maaaring i-recycle at maging kapaki-pakinabang sa iba.
5. Piliting mamuhay ng normal, kahit na sa pinaka mahalagang araw ng taon
Kahit pa puno ng salapi ang inyong mga bulsa, maaaring mamuhay ng one-day millionaire sa pagbili ng lahat ng luho at layaw batay sa bugso ng damdamin. Ngunit walang masama kung gagastos para sa sarili at sa mga mahal sa buhay na mananatili sa itinalagang budget. Tandaan, na dapat pa ring mabuhay pagkatapos ng pagdiriwang ng Pasko ay walang dahilan upang gawing butas ang inyong mga bulsa para sa kinabukasan.
PGA