Narito ang ilang simple at praktikal na mga tips upang maiwasan ang mga hindi mahalagang gastusin at masimulan ang pagtitipid.
1. Maglista ng mga expenses
Sa pamamagitan ng paglilista ng mga gastusin, naipaplano nang mabuti kung saan dapat mapunta ang pera. Mainam na ilista kaagad ang mga bagay na dapat pagkagastusan sa loob ng tatlong araw hanggang isang linggo, kaakibat ng perang ilalaan para sa mga ito.
Huwag kaliliimutang ilista kahit ang mga pinakamaliliit na bagay na balak paglaanan ng pera. Sa ganitong paraan, mapag-aaralan mo kung saan maaaring makatipid at makaipon (halimbawa, sa pagbili ng mga damit, o kaya sa paglabas kasama ang mga kaibigan).
2. Matutunang mag-monitor ng mga gastusin
Para ma-monitor o makontrol ang paglabas ng pera, mainam na markahan ang kalendaryo sa tuwing may inilalabas na pera. Maaaring magpalipas ng ilang araw bago muling maglabas ng may kalakihang halaga. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang araw-araw na pagwawaldas, lalung-lalo na sa mga bagay na hindi naman gaanong kailangang pagkagastusan.
3. Huwag gumastos para sa mga hindi kinakailangang bagay
Mahirap tanggihan ang isang bagay na nakakuha ng iyong atensyon habang namimili sa mall o sa supermarket. Kaya naman para siguraduhing maiiwasan ang “impulse buying” o pagbili ng mga bagay na hindi naman dapat paglaanan ng malaking pera, mainam na maghanda ng shopping list bago umalis sa bahay.
Pairalin din ang “10-second rule”, yon sa isang eksperto. Sa tuwi umanong bibili ng mga gamit ay mayroong nais bilhin, hawakan ito at tanungin ang sarili: “Kailangan ko ba ‘to o ito’y isang luho lamang?
4. Kahit paunti-unti, mag-ipon araw-araw
Huwag pairalin ang SUWELDO – GASTOS = SAVINGS bagkus ay panindigan ang SUWELDO – SAVINGS = GASTOS Mas epektibo ang patuloy na pag-iimpok kahit maliit o barya lamang ang iniipon para ma-establish na habit ang gawaing ito.
5. Mamalagi sa bahay imbis na lumabas.
Makabubuti para sa isang nag-iipon ang pamamalagi sa bahay imbis na gumala kasama ang mga kaibigan. Kung nais silang maka-bonding, maari namang imbitahan na lamang ang mga ito na manood ng DVD o paboritong palabas sa telebisyon imbis na gumastos nang malaki sa panonood ng sine at pagsho-shopping.
6. Magbigay ng maliit na self-reward mula sa naipong pera.
Hindi naman masamang bigyan ng maliit na pabuya ang sarili kung naging maganda ang resulta ng pag-titipid. Maaring bumili ng ilang accessories o kaya ay i-treat ang sarili sa paboritong restaurant. Kapag may naitabi na, maaari ng gumastos for a little happiness in life. Ang pagbibigay ng self-reward ay maaaring gawing motivation upang mas makaipon pa sa mga paparating na araw.