Sa pinakadakilang tao sa ating buhay, ang ating INA! Sa lahat ng sakripisyo, sa lahat ng pag-aaruga, sa lahat ng pagmamahal, tunay na walang kapantay, Maligayang araw ng mga INA!
Ako’y dinala mo, sa sinapupunan
At inalagaan, ng siyam na buwan
Sa bawat sipa ko, sa iyong balakang
May hatid na haplos, ng kaligayahan
Mula sa pagsilang, Ikaw aking Ina
Ang naging gabay ko, sa tuwi-tuwi na
Sa buong magdamag, hanggang sa umaga
Ang bisig mo Ina, ang aking kasama
Ang dampi ng iyong, mapagpalang kamay
Ang siyang sa akin, ay nagbigay buhay
Sa paglalayag ko, sa mundong ibabaw
Ang iyong liwanag, ang lagi kong tanglaw
Ikaw aking Ina, ang inspirasyon ko
Tangi kong kalasag, sa mundong magulo
Sa bawat pagsubok, na sinasambot ko
Ikaw aking Ina, ang aking saklolo
Ginawa mo akong, maging matagumpay
Sa bawat hakbang ko, ika’y kaagapay
Di mo binayaang, ako ay maligaw
Sa tuwid na landas, ang nagdala’y Ikaw
Kung ikaw ay wala, oh mahal kong Ina
Ang buong daigdig, ay wala ring saya
Wala rin ang anak, na iyong dinala
Na siyang tumubos, ng sa mundong sala
Sa lahat ng INA, sa buong daigdig
Ang aking pagbati, ay taos sa dibdib
Sa DAKILANG INANG, PUSPOS NG PAG-IBIG
Maligayang bati (Mama Mary) INANG INIIBIG
ni: Letty Manigbas Manalo