Abril 5, 2012 – Pinabilib muli ni Jessica Sanchez, ang Filipino-Mexican ang American Idol judges sa kanyang pag-awit sa isa pang classic song ni Whitney Houston, at sa duet performance nila ni Joshua Ledet, isa ring contestant sa AI.
Sa episode ng sikat na US singing contest na ipinalabas ngayong Huwebes sa Pilipinas (Miyerkules sa US), mga sikat na kanta noong dekada 80 ang inawit ng natitirang walong contestants.
“How Will I Know” ni Whitney Houston ang inawit ni Jessica sa kanyang solo performance. Ito na ang ikalawang pagkanta ni Jessica sa mga awitin ni Whitney. Ang una ay ang “I Will Always Love You,” kung saan napatayo niya ang mga AI judges na sina Randy Jackson, Steve Tyler at Jennifer Lopez.
Positibo naman ang mga naging puna ng mga hurado. Subalit higit na nagustuhan at napatayo ang tatlong hurado sa duet nina Jessica at Joshua, sa awiting “I Knew You Were Waiting For Me,” na unang kinanta nina Aretha Franklin at George Michael.
Bukod kina Jessica at Joshua, pipili ang mga viewer ng susunod na papatalsikin sa natitirang walong kalahok na sina Deandre Brackensick, Elise Testone, Skylar Laine, Colton Dixon, Hollie Cavanagh, at Philip Phillips.
Sa nakaraang elimination round, pinatalsik si Heejun Han.