in

Kalansing ng mga tansan

Ang kwento pong ito ay isang kathang-isip lamang at walang katotohanan. Anumang pagkakahawig ng istorya o pagkakapareho ng pangalan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang. Layunin po namin ang magbigay-aliw sa mga mambabasa! 

 

Handa na ang mga tauhan ni Danny para sa Christmas party ng locale. Tambayan ng mga Pilipino sa Torino ang Danny’s Videoke Bar and Restaurant na buong sipag na itinayo ng mang-aawit na may-ari ng restaurant. Ang self made man na pilipinong kilala sa Torino hindi lamang dahil sa galing niya sa pag-awit, higit sa dahilan ng magandang istorya ng kanyang buhay.

Huwag na diyan Dan. Salbahe na at kuripot pa ang mayaman na iyan“. Pagbabawal ng mga kaibigan ni Dan habang hinihigit siyang palayo sa malapalasyong tahanan. “Hatiin na lamang natin ang kinita natin ngayong gabi at umuwi na tayo, bisperas na eh“, dagdag pa ng mga kasama sa pangangarolling.

Bata pa si Dan ay kakikitaan na ito ng husay sa pag-awit kaya naman siya lagi ang pambato ng mga kaibigan kapag kapaskuhan at kasiyahan nilang mag-caroling sa kanilang baranggay. Mabilis niyang hinati sa lima ang mga barya at mangilan-ngilang 50 peso bills na bigay ng ibang nakagusto sa pag-awit ng grupo. Mabilis na naghiwahiwalay ang magkakaibigan upang umuwi at maghanda para sa misa ng Media Noche. Miyembro din ang matalik na magkakaibigan sa church choir kaya’t kailangan silang maaga sa simbahan.

Wari ay malamig na batong nakatayo si Dan sa harap ng malaking bahay ng pinakamayamang pamilya ng baryo. Malaki, puting-puti, puro salamin at puno din ng makukulay na ilaw na buhat sa malaking parol na nakasabit sa bintana. Tangan ang bilog na alambreng puno ng mga pinitpit na tansan ay lakas loob na bumirit si Dan ng pag-awit.

Rudolph the red nose reindeer… had a very shiny nose.. and if you ever saw it …you would even say it glows… all of the other reindeers … used to laugh and call him names… they never let poor Rudolph.. join in every reindeer..”, biglang napatigil si Dan sa pag-awit ng lumabas ng gate ang matapobreng mayaman. Napaurong siya at hindi sinasadyang tumama ang mga tansan sa magarang kotse sa tapat ng bahay.

Hayup kang hampaslupa. Nanggugulo ka na ay gagasgasin mo pa ang kotse ko“, may galit ang sigaw ng mayaman habang lumalapit ito sa kotse upang suriin kung may gasgas nga ang magarang kotse. Mabilis namang tumakbo palayo si Dan na hindi na napigilan ang pagluha dahil sa awa sa sarili. Sa takot ay hindi niya napansin na sa higpit ng hawak sa mga tansan ay nasugatan ang kanyang palad at dumudugo ito.

Amore, il locale è già pieno. Ti aspettano sul palco”, malambing ang tinig ng kanyang maybahay at manager ng restaurant. Ang yakap ng asawa ang nagputol sa paggunita ni Dan sa mapait na karanasan noong bata pa siya. Pait na siyang naging pampalakas loob at dahilan upang siya ay umunlad. Sa tulong ng musika ay nakapag-aral siya. Naging sikat na singing waiter sa Ermita at nagkaroon ng sapat na kita upang matapos ang Hotel and Restaurant management course sa PUP at naituloy pa nito sa Masteral on Economics. Dahil din sa pag-awit ay nakilala niya ang turistang italyana na naging asawa nito at siyang nagdala sa Torino. Madali din siyang nakapasok bilang entertainer sa isang Villagio Turistico, nakaipon at nakapagbukas ng kaniyang sariling negosyo, ang Danny’s. Ito ang concept restaurant na hango sa sariling buhay ni Dan kung saan ang lahat ng trabahador ay kailangang marunong umawit at kasama sa isang production number.

“Merry Christmas everyone”. Ang sigaw ni Dan sa microphone. Naka-walong Christmas songs na ang artista at hindi magkamayaw sa saya ang mga costumer ng locale. May mga Italyano na costumer na din ang filipino restaurant at fan ng may-aring singer. “Eversince I was a kid I have been earning fame, glory and money thru singing” patuloy ang kuwento ni Dan sa stage sa wikang english na siyang gamit nito sa show upang maintindihan ng iba’t-ibang lahing bisita ng kanyang locale. “I have learned to play instruments but my favorite one is this one I made when i was ten years old” paliwanag nito habang kinukuha ang pang kalansing na mga tansan. Buong pagmamahal niyang inalagaan ang mga pinitpit na tansan upang maging gabay sa kanyang pag-unlad. Kaya naman kapunapuna na ito ay nakalagay sa napakagandang eskaparate sa isang panig ng entablado at siya ring logo ng kanyang negosyo. “I made this myself and I used to play this as we do our Christmas carols in our village” pinakalansing ni Dan ang mga tansan malapit sa microphone at sinimulang umawit ng may luha sa mga mata ang awiting pinutol ng matapobreng mayaman maraming taon na ang nakalilipas… “Rudolph the red nose reindeer … had a very shiny nose” Lumuluha na din ang ilang mga Pilipinong costumer ni Dan. Alam na ng maraming Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Torino ang istorya ng mga kalansing na tansan ng artista. Ang matamis na ingay na buhat sa mga pinitpit na tansan ay musikang nagtawid at naging gabay ni Dan sa kaginhawahang tinatamasa niya ngayon. Habang sumasabay sa pag-awit kay Dan ay masayang nagyayakapan ang mga Pilipinong bisita at bumubulong sa isa’t-isa …. Maligayang Pasko Kabayan!!!

 

Tomasino De Roma

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dapat malaman ukol sa permit to stay kung magbabakasyon sa labas ng Italya

ANG PASKO SA BUHAY KO