PILIPINAS PERLAS NG SILANGAN
Nagsikap at lumaban ka at nagpilit na bumangon
Pinilit mong makawala sa kamay ng mga buhong
Kalayaang nakamit mo sa kamay ay hawak ngayon
Ito'y aking iingatan sa puso ko'y ikukulong
Agimat ng katapangan ang syang iyong pinuhunan
Tanikalang nakagapos binigyan mo ng hangganan
Ang panulat at ang tabak na ginamit sa paglaban
Sa puso ng bawat Pinoy mayroon itong paglalagyan
Ginapos ka't ikinulong ng dayuhang mga sakim
Binihag ka ng banyaga at ginawa kang alipin
Bumangon ka't itinayo na bayaning magigiting
Ginawa kang isang Perlas nitong bansang Silanganin
Kalayaang nakamit mo ay nagsabog ng liwanag
Naghasik ng pagmamahal na sa puso'y lumagablab
Pag-ibig at pananalig ngayo'y aking hawak-hawak
Ang pag-asa nitong bayan nasa aking mga palad
Oh bayan kong minamahal kahit ako ay malayo
Laging ikaw ang pangarap at tibok ng aking puso
Pagbabalik sa piling mo may matibay na pangako
Sa iyo ko ibibigay huling patak nitong dugo
Ngayong iyong nakamit na ang ganap na kalayaan
Sa puso ng Pilipino ito'y dapat alagaan
Dapat nating ikatuwa at labis na ipagdiwang
Isang PERLAS NG SILANGAN itong ating Inang Bayan
Pilipinas na bayan ko hawak mo ang iyong dangal
Hawak mo na ang bandila na mayroong tatlong tanglaw
Tatlong bituin ang sagisag Luzon,Visaya't Mindanao
Tatlong islang malalaki larawan ng ating bayan
Heto ako PILIPINAS sa iyo ay nagpupugay
Ang tinig ko ay katulad ng malakas na batingaw
Ako'y isang Pilipino malakas na sumisigaw
MABUHAY ANG PILIPINAS
BANSA NATING MINAMAHAL!!!
ni: Letty Manigbas Manalo