in

KALAYAAN, KINABUKASAN, KASAYSAYAN

BAWAT NILALANG AY MAY KARAPATAN

NA MABUHAY NANG MAY KALAYAAN

DI MAAARING IPAGKAIT AT PAGMARAMUTAN

MULA PAGKASILANG HANGGANG KAMATAYAN.

SA PAGKAMULAT PA LAMANG NG MGA MATA

MALAYA NANG PAGMASDAN MUKHA NI INA

PATI MARINIG ANG PAG-ALO NI AMA

AT DAMHIN ANG YAKAP KANILANG PAGPAPALA.

HANGGANG SA PAGLAKI HINUBOG SA TAMA

UPANG MAGING MABUTING HALIMBAWA

KALAYAANG MATUTO AT MAGING BIHASA

KALASAG NA SA BUHAY NG PAKIKIBAKA.

NGUNI’T KUNG ANG LAYA AY MAY SUMAGKA

IPINAGKAIT AT GINAWARAN NG PARUSA

AY DI BA DAPAT LAMANG NA MAG-ALSA

UPANG KARAPATAN AY MAIBALIK PA.

SABI NOON ANG KABATAAN ANG PAG-ASA

SA KINABUKASAN NG BUONG MASA

NASA KANILA LAKAS, TALINO AT DIWA

NG ISANG TUNAY NA MANDIRIGMA.

AANHIN NATIN ANG ISANG KABAYANAN

KUNG ANG NAGHAHARI AY KASAMAAN

GANID AT GUTOM SA KAPANGYARIHAN

PAANO NA NGA BA ANG KINABUKASAN?

ATING PAGYAMANIN ANG KAMULATAN

KABATAAN, GISINGIN ANG PAMAYANAN

DI SAPAT ANG MAY PINAG-ARALAN

KUNDI GAGAMITIN NANG MAY KABULUHAN.

KABATAAN, SA INYO ANG KINABUKASAN

INSPIRASYON NAMING MGA KATANDAAN

DADALHIN HANGGANG SA DULUHAN

LINGUNIN DIN MUNA ANG NAKARAAN.

NASUSULAT NA MGA KASAYSAYAN

DIGMAAN AT REBELYON NG SANGKATAUHAN

MABISANG SIYASATIN, SURIIN AT LIMIIN

DAPAT GAWING ARAL AT HUWAG SIKILIN.

PAG-AKLAS NG BAYAN AT MGA BAYANI

HINANGAD NA KALAYAAN AY IPAMARALI

WALANG-SAYSAY KUNG LAGING MABABALI

KASINUNGALINGAN ANG MAMAMAYANI.

PAGTUWID SA KASAYSAYAN IPAGPATULOY NATIN

MGA BAYANI NOON MAGING HUWARAN MANDIN

KALAYAANG IPINAGLABAN MULI NATING KAMTIN

ANG KINABUKASAN AY PARA DIN SA ATIN.

ANG KALAYAAN, IPAGLALABAN NATIN

ANG KABATAAN, SIYANG KINABUKASAN NATIN

ANG KASAYSAYAN, ITUTUWID

AT IPAGMAMALAKI NATIN.

NI: DITTZ CENTENO DE JESUS

Click to rate this post!
[Total: 3 Average: 4.7]

Kalayaan 2023, sinumulan sa pagpupugay kay Dr. Jose Rizal

qr-code-ako-ay-pilipino

International Green Pass, magkakaroon ng bagong mukha