Ito ang pamagat ng isang kwentong isinulat ni cluelezz417 na kumakalat sa ngayon sa web na nais ng Ako Ay Pilipino na ibahagi sa mga sumusubaybay sa ating pahayagan. Isang reyalidad na hinaharap ng halos 4 na milyong Pilipino sa labas ng bayang sinilangan.
“What? Mahigit dalawang taon sa ibang bansa pero isang maleta lamang ang dala?”, sadyang ipinaparinig na bulong ng isang mahaderang kapitbahay.
“Mare, grabe! Ang suot ay walang kabago-bago. Animo’y noong umalis at bumalik iyon pa rin! Gosh! Ganun ba ang fashion statement sa bansang pinuntahan!”, umariba rin ang isa pang tsismosang kapitbahay.
“Hay naku, balita ko pa eh, iilang piraso lamang ng tsokolate ang nabiling pasalubong sa pamilya! Nag-abroad pa, wala naman palang napala!”, singit ng isang intrimiderang kahuntahan din nila.
Ako si Simpleng OFW naman ay kahit pilit na nais na lamang ipagkibit balikat ang mga narinig ay hindi maiwasan magkaroon ng kirot sa damdamin.
Napaisip ng malalim, sadya nga bang walang kuwenta ang aking pangingibang bansa?
Karamihan kasi sa pag-iisip ng mga hindi OFWs, ay kapag nag-abroad ka ay limpak-limpak na salapi ang kikitain mo. Iyong tipong nakasanayan na makikita sa isang OFW na todo porma sa pag-uwi at naninilaw sa kapal ng alahas eh iyon naman pala ay kapag inilublob lamang sandali sa suka ay peke naman pala. Kasi napipilitan matamo ang ekspektasyon ng karamihan na dapat pag OFW ka dahil dolyar, riyal, dirhams, pounds, euro ang kinikita ay mayaman ka na.
Samantalang kaya ka lamang nakikipagsapalaran sa ibang bansa ay magkaroon ng kahit kaunting angat sa sahod mo noong nasa Pilipinas ngunit sadyang nakapagtatabi lamang ng kakarampot dahil pagkain at transportasyon ay libre.
Maraming OFWs ang tuwang- tuwa na sa loob ng dalawang taon ay kuntento na ang makauwi lamang at makapiling ang pamilya kahit hindi nagkakaroon ng pagkakataon makapamili ng pasalubong sapagka’t ang buwanang sahod ay buong-buo n ipinapadala sa mga mahal sa buhay.
Oo malungkot, hindi naman hipokrito’ hipokrita ang isang OFW na sadyang naaawa rin sa kanilang sarili lalo na at walang mabitbit na mga makabagong gadgets, bagong damit o malaking bagahe na puro pampasalubong sa mga mahal sa buhay kundi ilang balot lamang ng tsokolate.
Minsan ay naisasagot ni Simpleng OFW, “Kalalaya ko lamang kasi, kaya wala akong pagkakataon makapamili ng mga imported na pasalubong.
Napapanga-nga naman ang ilan sa nakarinig. “Ano iyon, kinulong siya?”
Kaya mapapailing na lamang si simpleng OFW na dahil kasambahay o anuman trabaho lalo na sa Gitnang Silangan ay limitado ang paglabas o kaya ay talagang walang pagkakataon makalabas.
Sa sobrang hirap ng buhay ay hindi praktikal ang mag-aksaya ng mga ipapasalubong lalo na kung ang ilan din lamang sa pagbibigyan ay makaririnig ka pa ng,.”Mukha naman itong mumurahin lamang!”, “Hindi naman ito kilalang tatak!”, “Sana pinera mo lang, kaysa ganito na hindi naman patok sa panlasa ko!”
Si simpleng OFW na walang kalulugaran ay laging bagsak ang balikat.
Kadalasan ay tuwang-tuwa si OFW, na kaliwa’t kanan ang pagyakag ng mga kakilala’t kamag-anak kung saan-saan lugar. Iyon pala ay lahat ng gastos kailangan niyang sagutin. Kakarampot na pera ay manganganib pang maubos dahil sa kapritso lamang. Hindi tuloy maiwasan ni OFW na umiwas na lamang kahit sana simpleng pagkikita ay kuntento na sana.
Minsan ay sunod-sunod ang bumibisita sa tahanan ni simpleng OFW, sa umpisa ay masaya na sana ang kumustahan ngunit nakalukungkot lamang din pala sa hulihan, kung hindi ka uutangan ay hahanapan ng pasalubong. Ang masaklap pa kung hindi mapagbigyan ay ikaw ay maramot o kaya ay mapagmataas na.
Ang kakaunting panahon sana ng kasiyahan ay kadalasan panahon pa ng sumbatan at bangayan.
“Ayan, ito lahat ang utang! Huwag mo akong hahanapan! Gasino lamang ipinapadala mo!”, sambit ng asawa.
Tanong tuloy sa sarili, “Saan napunta ang buong sahod na ipinapadala na lahat ay aking pinagkatiwala?”, biglang may pumatak na tubig sa noo. Sa kaunting ulan ay ganun na ang epekto, butas na bubong at kisame na panibagong sakit ng ulo. (Mapapailing at mapapasabunot!)
Kaya imbes umupo man lamang sa inyong bakuran ay hindi magawa. Baka bigla na lamang may maningil ay wala ka pang maipapangako na maibabayad. Sa dami ng pinagkakautangan ay nahihiya na tuloy ang lumabas ng kabahayan.
Matutulala sa isang tabi lalo na at ang mga kapitbahay o kakilala ay naghihintay ng magiging pagbabago sa iyong buhay, bagong bahay, pagawa ng bahay, bagong mga kagamitan, bagong sasakyan. At kung wala ang mga iyan. Kung anu-ano ng panlilibak ang maririnig kasunod niyon ay panlalait at tingin sa iyo ay sadyang napakaliit.
Kaya kadalasan ang ibang OFW ay nagkalandalubog sa utang para lamang maabot ang kagustuhan ng iba. Napipilitan hindi umuwi ng ilang taon para lamang may masabing sapat na pera para masiyahan at mabango sa lahat.
Payo ko lang kabayan, “Ikaw ang nagkakandahirap-hirap, kung makaipon ka, mas makabubuti pero huwag mong pipilitin kung wala pa sa panahon na iyon. Nagpapakahirap ka malayo sa mga mahal at iba’t-ibang sakripisyo para lamang mapagbigyan at masiyahan ang mga tao sa paligid mo na sa panahon naman ng iyong karimlan ay hindi ka madamayan.