in

Kilalanin si Papa Juan Pablo II

Kinikilalang isa sa pinaka-popular at pinaka-minahal na Santo Papa ng Simbahang Katolika si Pope John Paul II na nakatakdang hirangin bilang santo kasama ni Pope John XXIII ngayong Linggo.

Ipinanganak noong Mayo 18, 1920 si Karol Jozef Wojtyla, higit na kilala bilang Pope John Paul II.

Si Papa Juan Pablo II ang nagsilbing ika-256 na Supreme Pontiff ng Simbahang Katoliko at puno ng Lungsod ng Vatican mula ika-16 ng Oktubre 1978 hanggang sa kanyang kamatayan. Siya ang natatanging taga-Poland na naging santo papa at ang unang di-Italyanong papa sa loob ng 455 taon.

Itinuturing na isa sa mga pinakamaimpluwensiyang pinuno ng ikadalawampung siglo si Juan Pablo II. Naging instrumento siya sa pagwawakas ng komunismo sa Poland pati na rin sa pagpapabuti ng relasyon ng Simbahang Katoliko sa Hudyaismo, Simbahang Eastern Orthodox, at sa Anglikanong Komunyon.

Iniluklok siya ng mga Kardinal bilang santo papa sa Conclave (pagtitipon) noong ika-16 ng Oktubre 1978, at inangkin ang pangalang Juan Pablo II. Araw ng Linggo, noong ika-22 ng Oktubre nang maringal niyang pasinayaan ang kanyang Petrinong paglilingkod bilang ika-263 na kahalili ni apostol San Pedro. Ang kanyang pamumuno, ikatlo sa pinakamahaba sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko, ay tumagal ng halos 27 taon.

Sa buong panahon ng kanyang pamumuno, nagkaroon siya ng 104 na pastoral na pagdalaw sa labas ng Italya at 146 naman sa loob nito. Bilang obispo ng Roma, binisita niya ang 317 sa 333 parokya ng lungsod.

Maraming beses din siyang nakipagpulong sa mga puno ng iba't ibang bansa sa kanyang 38 opisyal na pagdalaw, 738 tagapanood at pulong kasama ang mga puno ng mga estado, at 246 na tagapanood sa mga pulong kasama ang mga punong ministro.

Dahil sa kanyang pagmamahal sa mga kabataan, itinatag niya ang pagdaraos ng ”World Youth Day” (WYD) (Pandaigdig na Araw ng mga Kabataan). Labing-siyam (19) na WYD ang kanyang ipinagdiwang sa kanyang pamumuno na nagbuklod sa milyun-milyong mga kabataan mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Kasabay nito, ipinamalas niya rin ang kanyang pagmamalasakit sa pamilya nang pasimulan niya ang World Meeting of Families” (Pandaigdigang Pulong ng mga Pamilya) noong 1994.

Matagumpay ding nahikayat ni Papa Juan Pablo II ang mga dyalogo sa mga Hudyo at pati na rin sa mga kinatawan ng iba pang mga relihiyon na kanya rin namang inimbitahan sa mga ”prayer meeting” (pulong sa pagdarasal) para sa kapayapaan.

Sa ilalim ng kanyang pagsubaybay, pinaghandaan ng Simbahang Katoliko ang pagdating nga ikatlong milenyo at idinaos ang ”Great Jubilee” ng taong 2000.

Sa pangunguna rin niya, masiglang idinaos ang maraming mga Kanonisasyon at Beatipikasyon upang magsilbing halimbawa ng kabanalan sa panahong ito. Nagdaos siya ng 147 na seremonya ng beatipikasyon kung saan naiproklama ang 1,338 na 'Beato' (mapalad); at 51 na kanonisasyon sa 482 na santo. Siya rin ang nagtalaga kay Teresa ng Batang si Kristo bilang isang 'Dalubhasa ng Simbahan.

Pagpanaw

Si Papa Juan Pablo II ay pumanaw noong bandang 9:37 ng gabi, oras sa Vatikan, noong ika-2 ng Abril 2005, sa edad na 84, matapos magkasakit ng Parkinson's Disease at iba pang karamdaman tulad ng sakit sa puso at kumplikasyon sa atay. Mula sa gabi ng kanyang pagpanaw hanggang sa araw ng kanyang paglibing, dumagsa ang higit tatlong milyong manlalakbay sa Roma. Marami sa kanila ang pumila upang makapasok sa Basilika ni San Pedro upang masilayan sa huling sandali ang kanyang mga labi.

Pagpupugay

Noong ika-19 ng Disyembre 2009, iprinoklama ni Papa Benito XVI bilang 'Kapita-pitagan' (”Venerable”) si Juan Pablo II. Dahil sa taglay niyang di mapagkakailang kabanalan ay iginawad ni Papa Benito XVI ang beatipikasyon ni Papa Juan Pablo II sa ika-1 ng Mayo 2011 at dahil dito'y tinawag na Beato Juan Pablo II (”Blessed John Paul II”).

Koneksyon sa mga Pilipino

Dalawang beses dumalaw sa Pilipinas si Papa Juan Pablo II. Una'y noong Pebrero 1981. Panghuli, noong Enero 1995 ng magmisa si Papa Juan Pablo II sa harap ng apat (4) na milyong tao, ang pinakamalaking pangkat na dumalo para sa isang pagtitipon ng ”World Youth Day”, kung di man pinakamalaki bilang ng pangkat sa kahit anong pagtitipon.

Dahil sa espesyal niyang koneksyon sa mga Pilipino, pinasinayaan ang pagtatayo ng isang dambana para kay Juan Pablo II noong ika-2 ng Mayo 2011 sa isang dating refugee camp sa Bataan  kung saan siya dati nagdaos ng misa para sa mga Indo-Tsinong refugee. May tore ring itinayo sa Bacolod noong 2010 “alay ng pagmamahal sa Simbahang Katoliko”.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Milan PCG Conducts Consular Outreach and meets Community Leaders in Emilia Romagna

Sino si Pope John XXIII?