in

Kristo sa ating mga Puso (Unang bahagi)

Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang at layuning magbigay-aral sa panahon ng Kwaresma. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.

Paggunita sa Semana Santa

Ayyy ang mama!!”  napabigla ang sigaw ni Magdalena sapagkat kitang kita niya nang madapa ang pulubi sa harap halos ng sasakyan ng kaibigan niyang si Eva. Mabilis namang kinabig ng kaibigan ang manibela upang maiwasan ang pulubing napaluhod sa kalsada.

“Maraming salamat po.” ang maamong tugon ng pulubi matapos abutan ni Magdalena ng mga baryang naapuhap niya sa bag. Mabilis na umarangkada ang kotse na wariy galit ang nagmamaneho nito.

Narinig mo? Salamat daw!” ang nagtatakang wika ni Magdalena nang marinig ang pulubing nagpasalamat sa wikang Filipino.

“Yung barman sa ibaba ng part time ko Egyptian siya pero alam lahat ang salamat sa halos lahat ng wika! Marketing strategy yan at effective sa mga cosmopolitan areas like Rome at nagpatangay ka naman!  Kaya nawiwili ang mga yan ay dahil sa mga taong tulad mo. Inaabuso nila ang awa mo. Pagkalalaki ng mga katawan nila ay ayaw maghanap ng trabaho. Mga istrangherong umaasa lamang sa tulong ng gobyerno at awa ng kapwa tao. Minsan naiisip ko, tama lamang na pauwiin sa bansa nila yang mga yan, mga pahirap sa lipunan!” Mahaba at may galit ang sermon ni Eva sa maawaing kaibigan.  Kasing haba ng Via Cristoforo Colombo kung saan malimit nilang makita ang pulubing may maamong mukha na natatakpan ng maayos na balbas. Sinasamantala ng pulubi ang red light sa crossing upang lapitan ang mga nakatigil na sasakyan. Ikakaway at ilalapit ang kanang kamay sa bibig habang ang kaliwang kamay ay nakatikom sa tapat ng kanyang tiyan. Uugod- ugod itong lalapit sa mga nagmamaneho upang humingi ng tulong.  Isang tagpo na halos ay batid na ng lahat, kahit ng minsan lang napadaan sa pinakamahabang kalsada ng siyudad.

Medyo sinuwerte at agad nakakuha ng parking si Eva malapit sa Via Marsala kung saan naghihintay ang bus na magdadala sa kanila sa Lourdes, France. Pinayagan sila ng kanilang mga amo kaya’t sumama sila sa pilgrim and recollection tour patungo sa birhen ng Lourdes na inorganize ni Father Rex, ang paroko ng Sentro Pilipino.  Sa loob ng tumatakbong bus at matapos magdasal ay kinuhang muli ng batang pari ang mikropono upang ipaliwanag ang unag bahagi ng recollection.

Mahaba ang biyahe natin at sa unang autogrill ay mapapalit tayo ng mga upuan at kailangan na hindi ninyo kilala ang inyong mga katabi upang sa ating paglalakbay ay kilalanin natin ang strangherong katabi. Sikapin natin na makita ang panginoon sa buhay ng inyong bagong kakilala.” Paliwanag ng pari.  “Si Kristo ay naninirahan sa ating mga puso at Siya ay makikita sa bawat kilos , gawa at salita ng bawat isa.

Father tabi ako sa iyo mamaya para mas cute si Lord na mamemeet ko.” Ang biro ni Eva na naging sanhi ng tawanan sa loob ng bus.

Hindi komo cute ako ay pogi ang kristong nakabahay sa puso ko.” Pabirong sagot ng pari. “Ang pagkatao at ang spirituwal na kalooban natin ang siyang magpapatingkad sa bawat Kristong nasa ating puso. Iyan ang topic natin sa unag gabi ng recollection sa France.” Dagdag pa ng pari.

Huwebes santo ng gabi nang sila ay lumisan sa Roma. Biyernes santo, ang araw na patay ang Panginoon, ang pinaka mataimtim na parte ng biyahe.  Sa loob ng hotel ay pinag usapan sa pamumuno ng paring Filipino ang kahalagahan ng matatag na pananalig sa buhay ng mga ofws.  Ang pagiging katoliko ng mga Filipino ay isang bagay na nagpalapit  sa damdamin ng mga among Italyano at nakatulong ng malaki sa mabilis na integrasyon ng mga Filipino sa Italya.  Ang araw naman ng Sabado di gloria, ayon sa retreat program ni Fr Rex  ay nakalaan sa group prayer of the holy rosary sa harapan ng imahen ng birhen. Pagkatapos magtanghalian ay pumili sila ng isang lilim na lugar upang mag bible reading and sharing ang grupo.  Paminsan minsan ay hindi maiwasan ang bumati sa ibang kalipunan ng Filipinong dumalaw din sa mapaghimalang birhen. Isang biyaheng punong puno ng mga gawaing spirituwal na dinadaluhan ng maraming Filipino taon-taon. Ang pilgrim tour ay isa lamang sa maraming apostolic initiatives ng Sentro Pilipino upang mapagyaman ang spirituwal na pamumuhay ng mga Filipinong naninirahan sa Italya. (Tomasino De Roma)

Subaybayan bukas ang Ikalawang bahagi….

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Inflation rate sa Italya, bumaba sa 7.7% 

Kristo sa ating mga Puso (Ikalawang bahagi)