… PAGSISISI
Ito ang lagi nating naririnig sa mga matatanda, upang sa ating pagpili ay siguradong tayo’y nasa tama. Subalit sa kabila nitong paalala, sa maling landas kalimitan tayo’y napupunta. T’saka na lang natin mapagtatanto ang kamalian, habang nagsisisi na sa bandang huli.
Parang pagpili ng mga lider ng bayan. Dapat matalino tayo sa paghalal nang mauupo, upang di natin balang-araw pagsisisihan ito. Ngunit ang tanong: Sino nga ba ang nararapat na lider?
… TANGHALI MAGISING
Totoo, laging nasa hulihan ng mga pila ang “late” magising at dumating. Kung gusto mong kumain sa “restaurant”: “first come, first served.” Sa mga pampublikong serbisyo, kukuha ka muna ng “ticket” at aantayin ang iyong “number”. Sa bus at tren, ang mabilis ang nakauupo. Dahil sa ating lipunan ngayon, ang pamantayan lagi ay unahan. Walang lugar ang makukupad, ang mahihina-ang-loob, at ang lalamya-lamya.
Kaya’t pati ang mga kandidato natin ngayon, unahan din nang unahan: payabangan, pagaligan, pabanguhan ng pangalan. Dahil para sa karamihan, ang nauuna sa lahat ng bagay ang pinakamagaling. Ang nagmamalaki ang dapat maghari.
… PINAKAMATAAS
Ang turo sa mga bata sa “kindergarten” ay naiiba: “fall in line”, pero “by height”. Kaya’t sa pila, hindi ang malalaki ang nasa unahan, sila ang laging nasa huli. Kahit “late” o “absent” ka, may kalalagyan ka sa pila. Dahil lagi, ang maliliit, ang sakitin at ang mahihina sila ang nasa unahan, at ang unang makapapasok sa “classroom”. Samantalang ang tunay na matangkad ay nagpapahuli, nagpaparaya at pinagbibigyan ang maliliit, nang sa gayon sila’y mapangalagaan at malayo sa kapahamakan.
… GUSTONG MAUNA (Mark 10:35)
Sa Kaharian ng Diyos, ang mga nagpapahuli, ang mga nagbabata ng krus, ang nagpapakumbaba tulad ng mga bata at ang naglilingkod para sa lahat… sila ang makakapasok at tunay na mauuna. Dahil ang pinagpapala ng Maykaypal ay ang naghuhugas ng paa ng lahat. Tulad ng pagpapahuling ginawa ni Kristo… subalit sa katapusan naman … ay itinaas ng Ama (Phil.2:9).
… TUNAY NA LIDER! (FR. REX F. FORTES, CM)