Larawan ni Inay aking pinagmamasdan
halata na sa kanya ang katandaan
ngunit sa kanyang mukha’y aking nababanaagan
ngiting matamis na siyang katunayan
sa kanyang nakikita ay naliligayahan
kaming kanyang mga anak na nagsilakihan
Larawan ni Inay akin paring pinagmamasdan
pilit iniisip at binabalikan ang nakaraan
masasayang araw sa kaniyang kandungan
kaniyang pag-aaruga’y ‘di matatawaran
kaniyang pagmamahal ay lagi ng nandiyan
walang kapantay at walang kamatayan
Larawan ni Inay akin paring tangan-tangan
aking naaalala ang kanyang kabutihan
lalo na pag ako’y nadadapa at nasasaktan
agad niya akong binabangon at dinadamayan
lagi na sa ‘king tabi at hindi na ako iniiwanan
hanga’t ako’y madala sa aking higahan
Larawan ni Inay akin ng hinahalikan
mga mata ko na ay luhaan
muli naming pagkikita’y kinasasabikan
para siya ay aking mapasalamatan,
upang kamay at noo niya’y mahalikan
na siya’y aking mahal ay ipagsisigawan
(NI: BONG RAFANAN)