Halina’t maglakbay. Bitbitin ang isip at tsinelas!
Pera na lamang ba ang magpapainog ng buhay, este kaligayahan ng tao?
Kung ang lahat ng gagawin ay kailangan ang pera upang maging masaya, paano nga ba noong unang panahon? Masyado na kayang nilamon ng komersyalisasyon ang ating kasiyahan? Takaw mata kung baga. Lahat ng nakikita gustong mapasakamay.
Pag walang atik, datung malungkot ang buhay. Di ka na magiging masaya. Isang bagay na naghihiwalay sa salitang mahirap at mayaman. Kaya ang pagiging mayaman ay maswerte at ang mahirap ay kumunoy na di na pwedeng humalakhak at makipaglaro sa biro ng buhay.
Teka, teka. Rewind, rewind…. Balik tanaw tayo sa nakalipas. Throwback, ika nga… Bago mapahaba ang sermon, este ang litanya ng mahigpit na kalalagayan o sikolohiya sa pag-asam ng kaligayahan.
Maglakbay tayo ng libre. Gamitin ang inyong imahinasyon.
Ano ano nga ba ang libangan at laro noong araw. Luksong tinik, luksong baka, taguan pung, Chinese garter, hoolahoop, tumbang preso, syaktong, harangang taga, habulan. Kung di man pawisan, tulo ang uhog at marungis ang mukha. Amoy kalabaw sabi nga ng matatanda. Isipin mo ang maitim na hayop na umahon sa lubnak sa tumana. Yun ang itsura ng mga batang humahagok sa paglalaro.
Ano bang laruan ang nahawakan mo? Nasubukan mo na bang humawak ng maynika na mula sa busal ng mais? Sinusuklay at hinihimas na animo mamahaling bagay? Kinulot na ba ang buhok mo ng dahon ng kamoteng kahoy? Nagkipagbarilan ka ba ng sumpak na yari sa kawayan na binalahan ng bunga ng matayog na bulak? Ginawa ka ba ng iyong ama ng kotseng yari sa lata ng sardinas, gulong na yari sa tansan ng toyo at espadang yari sa kawayan? Saan yari noon ang inyong bahay kubo?
Marunong ka bang tumawid sa sangka para manghuli ng hito at bulig? Mag-umang ng patibong sa bayawak na nagnanakaw ng inyong manok at itlog subalit iniisip mong kapitbahay ang siyang gumagawa ng mga ito?. Asintado ka ba sa paggamit ng tirador? Nakapanulya ka na ba sa ilog? Nakapanguha ka na ba ng tahong sa dagat? Sanay ka bang gumamit ng pamilimit? O umakyat sa bundok dala ang tiklis para mamitas ng prutas? Nasipit ka na ba ng talangka o nasubukang ipasok ang iyong kamay sa lungga nito?
Nakakain ka na ba ng palaka? O dagang bukid kapag umuuwi sa bahay ng iyong nililigawan pag nagamas na ang palay?
Noong araw, sa kapanahunan ninyo, este natin.. Simple lang ang buhay. Madaling lumilipas ang inip. Sa inyong likod bahay may saging na sabang inilalaga o ginagawang turon. Sumunod ka lang sa pag-aararo ng kamote, makakakain ka ng nilaga o kamote-cue. Di ba may kasabihan, pag may tiyaga may nilaga!
Kapag nag-aagaw na ang dilim at liwanag o dapit-hapon, panahon ng sibong sa maisan ng masungit mong tiyuhin, o ng tipaklong – inihaw o adobo ang katapat, ulam na. May pagkain na nakapaglaro pa. Nakagawa ka ba ng mahabang sungkit para makapamitas ng kamatsile. Halos ang parang ay bukal ng yaman kung kayat sangdamakmak ang prutas na maaaring mapitas.
Ikaw na bahalang magdugtong ng kwento mo. At kung di mo naranasan ang mga ito. Kung di nakita. At di nakatikim ng pamalo, marahil di ka probinsyano o rich ang iyong pamilya.
Kung ano ang nakikita sa matatanda ay ginagaya ng mga bata.
Nauuna pang bumangon ang mga bata noon bago pa tumilaok ang tandang. Di paman nalalaglag ang dahon ng bayabas sa lupa ay niyuyugyog na ito para walisin. Ang kaymito ay pinupulak para lalong yumabong lalo na ang mura at berdeng parang mansanas. Ang atis ay sinusuputan para di mapasok ng insekto, ang saging naman ay tinutukuran sa haba ng buwig nito. Kung puro tigyawat ka, langka ang paborito mong prutas. Matamis ang guyabano kapag magulang tulad ng lansones at rambutan.
Sinong di nakatulog sa lilim ng punong akasya pagkatapos ng mahabang panghihinalay sa bukid? May sarili ka bang salakot, proteksyon na ulan at araw?
Natatandaan ko, sa aming bakuran, kumpleto ang mga bagay sa kanta na “Bahay Kubo”. Musmos pa lamang ay batak na sa trabaho ang mga bata. Wala pang Grade 1, ay nakapagiimis na ng pinagkainan. Alam ng linisin ang bangera, pamingalan at tupiin ang banig na pinagtuluan ng laway hatid ng malalim na pagkatulog. May kanya-kanya ng hatian ng trabaho. Si Kuya ay magpapastol ng kalabaw, baka at kambing. Si diko ang bahala sa kulungan ng baboy, pangangalap ng dayami at pagliliniis ng kural ng mga hayop.
Si Ate naman ang parang mayordoma sa bahay, Ito ay kung wala si Nanay dahil nasa palengke at nagtitinda ng mga gulay at gatas ng babaeng kalabaw na katulong sa pag-ararao ng bukid ni Tatay. Si Ditse naman ay nagbabantay ng mas batang kapatid na babae at lalaki. Nagtutupi ng damit at nagpapaligo sa bunso.
Dati, sutsot lamang ay pantawag na para umuwi ng bahay. Awtomatik yun na nakarehistro sa isip. Sa takot na mapingot habang nasa umpukan. Yun bang sunduin ka sa harap ng mga kalaro ay isang bagay na nakakahiya. Samahan pa ng kutos.
Sa ganito nahuhubog noon ang isip at ugali ng tao. Nasasanay sa responsibilidad ang bawat isa. Salat man sa materyal na mga bagay, may pamilya na nagtuturo sa kongkreto at praktikal na buhay ay maaaring magkakulay sa kabila ng kakulangan. Kapos man sa mayroon ang iilan.
Ito ang larawan ng isang pamilya noong araw. May isa ngang kwento na sa dinamidami nilang magkakapatid, delikado na mamatay ang gasera dahil pagbalik ng liwanag, may kumuha na sa ulam na dapat ay sa iyo. Sa umaga pagkagising, limot nang si Kuya ang nangumit ng pritong galungong sa iyong plato.
Langit at Lupa?
Tanong ko lang sa inyo, sa marami. Ma sukatan ba ang kasiyahan? Ang mayaman ba ay mas kontento kasi mas may pera sila? Kaya mas may kabuluhan (value) ang kanilang mga tawa at linamnam ng pagkain dahil sa kanilang estado sa ekonomya? Dahil mas marami silang damit, laruan at lugar na napuntahan ay salat ang salitang “ saya”, hungkag” at ampaw ang taglay na ngiti?
Totoong karamihan ay gustong maging mayaman. Bakit? Dahil ba kapag ikaw ay dukha di mo na kayang maglakad ng nakataas ng noo? Kaya kailangan mo na magsuot ng GUCCI, Channel at Rolex at mga de-markang damit? Hiwalay ba talaga sa lipunan ang tao wala? Di kaya may malaking papel ang lipunan na sa paglikha ng artipisyal na konsepto ng kasiyahan? Salamangka ang pagkondisyon sa isip. Salamangka, oo salamangka ang lahat ng ating nakikita. Na pagbalik sa realidad ay bubulagain ka na ang tunay na pinagmumulan ng saya ay ikaw, pangalawa lamang ang mayroon ka?
Magkabilaan palagi ang mundo. Ang mayroon ka ay maaring wala siya. Di ko inaalis na may mapagsamantala. Di ko itinatatwa na may nanglalamang. Ngunit hanggang di nagbabago ang kaayusan, sa maliit na bagay at sa bawat pagkakataon, kailangang maging positibo sa buhay.
Noong mga bata pa kami, sa aming baryo. Siguro ilan lamang ang may telebisyon at radyo noon. Nilalakad namin ang malayong iskwelahan, umaga at hapon. Dalawa lang ang uniporme sa iskul. Obligadong labhan pag-uwi ang suot-suot para may pamalit kinabusan. Isa lang ang lapis, goma na pambura, pinaglumaan na bag. Prutas o nilagang saging na saba ang baon, di pera. Sa kabila ng kasalatan at kakulangan, marami ang natutunan.
Sabay din lang na nagsilaki ang mga bata. Iisa lang ang mundo na nilakaran. Magkaiba lamang ng direksyon. Ang tawa ni Luis ay siya ring tawa ni Tirso. Ang uhog ni Liza ay kasing-haba din ng kay Dolores sa tuwing tutuksuhin ni Doro. Magkaiba man ng tsinelas o bakya, pareho lang itong nauupod sa paglalakad. Ang amoy ng pawis ni Arnel ay kasing-amoy lamang ng kay Benilda.
Pareho-pareho ba ang buhay – HINDI. May pagkakahawig ba – OO? Dahil ang lumilikha ng ating kasaysayan ay mga taong direktang kasangkot sa pagsusulat ng kwento. Di na mahalaga kung sino ka. Ang importante ay paano naisulat ang kwento at gaano ito nagbigay ng inspirasyon sa iba.
Halika laro tayo uli. Mabuhay tayong muli. Tulad ng mga bata.
ni: Ibarra Banaag
larawan mula sa alaalanglumipas OFW Pinoy