in

Love at first strike! Saksi ang bowling lanes!

Ang maikling kwentong ito ay isang kathang-isip lamang at walang katotohanan. Layuning magbigay-aliw sa mga mambabasa at bigyang kulay ang pagdiriwang ang Araw ng mga Puso.

 

 

Ang bowling lanes sa Via Regina Mrgherita ang saksi sa pagmamahalan nila Bong at Cherry.  Parehong champion sa galing ang mag asawa sa paghagis ng bolang marmol. Sa lahat ng nakakikilala sa dalawa ay pabirong love at first strike ang tawag sa kanila. May dalawang taon na ang nagdaan.

KKKRRRASSS!! Maingay ang pagbagsak ng mga duckpins sa bawat strike na tira ni Cherry, 38 walong gulang, sampung taon nang babysitter sa Roma at dalaga pa. Presidente ng Pinoy Bowlers of Rome at malimit ay nag-oorganize ng palaro para may kasiyahan ang mga Pinoy kapag walang pasok. Higit na kapansin-pansin ang kagandahan ni Cherry kapag may hawak na bola at umaasinta sa pagbitaw nito. Ang mahinhing pagkilos, pagyuko at pagbitaw ng bola ay isang sayaw na nagpapatingkad sa taglay na alindog ng dalaga. Sa tuwing pagtira ng dalaga ay halos hindi humihinga si Bong habang pinanonood ang halos ay puro strike na paglalaro ng magandang kababayan.

BUDOGGG!!Ang ingay ng pagtalbog ng bolang binitawan ni Bong na halos ay sinundan ng kantiyaw at tawanan ng mga Pilipinong tambay na sa Regina Margherita. Bagong dating si Bong sa Roma, 45 anyos na at hiwalay sa asawa. Bunga ng unang pag alis sa Pilipinas ng kanyang maybahay, ito ay napaibig sa indianong duktor na kasama sa trabaho sa Saudi Arabia. Legal silang naghiwalay at ang anak nilang lalaki ay kapiling ng ina sa arabong bansa. Junior executive si Bong sa SSS subalit nagpakuha siya sa tiyahing nasa Roma upng makalimot sa mapait na istorya. Sinuwerte na nakapasok sa flussi ang kanyang papel kaya at ngayon ay regular siyang nagtatatrabaho bilang driver ng mayamang amo ng tiyahin.

“Hahahaha, parang basketball ang bato ah may dribble pa!” Hindi napigil ni Cherry na kantiyawan ang bagong kalaro sa kabilang linya. “Hindi ibinabato ang bola, ito ay inihahatid ng banayad at sa tamang direksyon. ” ang payo pa nito.

“Sorry may nerbiyos pa kasi eh” Sagot sa biro ng dalaga na may kasamang pagkamot sa ulo. Nagwagi si Bong na makuha ang atensyon ng dalagang bowler. “Ako nga pala si Bong taga Parioli ako at bagong dating lamang sa Roma. ” seryosong nagpakilala si Bong.

“Cherry Santa Maria , President ng Pinoy Bowlers of Regina Margherita, at kung bagong dating ka pa lamang , ako matagal na sa Roma at gusto ko na ang bumalik sa Pinas haha.” May halong biro pa rin ang sagot na pagpapakilala ng dalaga. “Sige, sa set na ito at naka strike ka ng walang lagabog sa pagbitaw ng bola, isasama kita sa team ko .” nakangiting hinamon nito ang bagong kakilala.

Bowling Lanes ng Parco Leonardo ang naging hang out ng dalawa. Upang makaiwas sa biruan sa dating pinaglalaruan ng grupo ay napilit ni Bong na magtago at turuan sya ng dalaga upang makasama sa bowling team. Higit pa doon ang hangarin ni Bong, nais niyang masolo at makuha ang damdamin ng dalaga. May mga araw na halos maghapon sila sa Parco Leonardo, ang unang Mall sa Roma. Ngayon lamang pumapasok ang Mall Mentality sa makalumang pamumuhay ng mga italyano. Isang kaugalian namang matagal nang ginagawa ng mga pilipino, ang mamasyal at magpalipas oras sa mga commercial complex.

Halos ay magkadikit na ang kanilang mga katawan. Hawak ni Bong ang bola nakatapat sa dibdib habang inaayos ni Cherry sa tamang posisyon ng paa, balikat at kamay ng kanyang manliligaw. Nahulog na ang damdamin ng dalaga sa tinuturuang kababayan at naramdaman na rin ni Bong ang pagtingin ni Cherry. Sumasama si Cherry hindi dahil nais niya itong turuan kundi dahil nais niyang tulungan si Bong na makalimot sa unang pag ibig. Si Cherry man ay may edad na rin at wari ay natagpuan niya sa katauhan ni Bong ang lalaking kanyang mamahalin. Bata pa si Cherry ay nangibang bansa na ito at tuloy tuloy na tinulungan ang mga magulang, kapatid at mga pamangkin sa tulong ng walang patid namoney remittance. Halos ay huli na nang mapansin nito ang pagdaan ng panahon. Last train na niya si Bong , ito ang nasambit niya ng minsan ay naramdaman ng dalaga ang pagyakap ni Bong sa loob ng sinehan. May pag ibig ang dalaga sa hiwalay sa asawang si Bong kaya’t sumandal ito sa balikat ng lalaki bilang hudyat ng pagsang ayon.

“Sige pag naka strike ka ng tatlong sunod- sunod ay tanggap ka sa team ko at tanggap ka rin sa puso ko”, ang nakangiting wika ni Cherry sa tinuturuang manliligaw habang itinutuwid ang maling posisyon ng kamay na hawak ang bolang marmol. Matamis ang ngiti ng lalaki.

“Puwedeng makatawad ng kiss?” ang hirit ni Bong na sinagot naman ng matamis ding ngiti ng dalagang pinay.  Krrasssgg! Isa, dalawa, tatlo!!! sa ikatlong strike ay marahang hinapit ni Bong ang tagaturo at banayad na inilapit ang labi nito sa labi ni Cherry. Love at first strike nga!!

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa nalalapit na kasal ng dalawang bowlers. Isang araw ay nagtungo ang dalawa sa embahada upang itakda ang araw ng kasal at doon ay natuklasan ng dalaga ang lihim na itinatago ni Bong.

“Sir Bong! Nice to see you here in Rome ” ang bungad na wika ng bagong staff ng Owwa -S S S.  “Alam Nyo Sir Bong noong umalis ka marami kaming nalungkot pero may mga kalaban ka naman na natuwa.” Dag dag kuwento ng dating kasama sa trabaho. 

“Magpapakasal kami ni Bong .” ang pasingit na wika ng naguguluhang nobya.”  Magkakilala kayo?”  tanong na hangad ay paglilinaw ni Cherry.

“Ma’am wala pong hindi nakakailala kay Sir Bong sa Main Office ng S S S dahil bukod sa pinakapoging junior exec ng ng HRD ay siya po ang terror at team captain ng bowlers team ng aming department,” ang pagbibigay linaw ng empleyada ng embahada.

Buking na napakamot sa ulo si Bong. Umaarteng bagitong bowler lamang pala ito upang mapalapit sa loob ng dalaga.

Nakangiti si Cherry habang walang tigil sa pagkurot sa magiging asawa. Love at first strike nga! (ni: TDR)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Joseph Pansoy, ang Pinoy Taekwondo Instructor sa Empoli

Integration agreement – Marso, simula ng pagsusuri ng permesso di soggiorno a punti