Buwan ng saya, ningning at kulay. Ito ay ang buwan ng Mayo na puno ng pagdiriwang tulad ng Kapistahan at Santacruzan. Ito ay tradisyong nagpapatuloy kahit na dito sa Italya.
At upang maramdaman muli ang sayang hatid nito bukod pa sa maipamalas din ito sa mga kabataan, ang mga kababaihan ay naghahanda ng ‘luwa’ para sa Patron.
Ang luwa ay isang tradisyong ginagawa sa Batangas at ilang bahagi ng Southern Tagalog. Ito ay isang pagbibigay parangal sa mga Santo o Patron. Ito isang deklamasyon na may kaukulang kumpas na aayunan ng tono na talagang pinag-aaralan na minana pa sa mga matatanda noong una.
Ang mga kababaihan ay nag-aalay at nakasuot ng saya. Karamihan sa kanila ay mga Reyna din sa Santacruzan. Kung sa Fiesta naman sila ang mga kababaihang naka saya na kasama sa prusisyon.
Kalimitan ito ay may nakalaang arko sa harapan ng bahay at doon ay hihinto ang prusisyon at ihaharap ang Patron para sa pag-aalay ng luwa.
Isa din sa pinakamahalaga sa luluwa ay ang mga anghel na ginagampanan naman ng mga batang babae na nakadamit din ng puting saya at may pakpak na pinapasadya pa.
Minsan ito ay isang panata, minsan naman ito ay nahihiling ng mga kababaihang nag-aalay nito.
Karamihan sa mga taga Batangas ay iginagalang pa din ang tradisyong ito. Ilan sa mga lugar na nasaksihan ito ngayong Mayo ay ang Barangay Santol sa Balayan Batangas at sa Tuy Batangas naman ang Barangay Magahis, Putol, Palmalayan, Guinhawa, Sineguelasan, Obispo at Luntal.
Naging masaya ang mga nasabing Fiesta at Santacruzan sa magkakaibang lugar sa Roma.
Kanya-kanyang pagandahan ng ayos, pabonggahan ng damit ang mga Reyna at pagandahan din ng arko. Kasama rin sa pagdiriwang ang paramihan ng handang pagkain. Napakagandang tingnan ang tradisyong nagpapatuloy kahit malayo na sa bansang Pilipinas at nagkakaisang ipinamamana ito sa mga kabataan.
Norie Ignaco