January 18, Monday: Nakipagkita ako sa ahenteng tutulong daw sa aking mga papeles. Mabait naman siya pero hiningan niya agad ako ng Php 100,000. Kailangan daw iyon para mapabilis ang paghanap ng Direct Hire na trabaho abroad. Wala naman akong magagawa kasi High School graduate lang naman ako. Kaya nangako akong gagawa ng paraan para makapagbigay sa kanya sa susunod na linggo. Umaasa akong makakautang ako nang pambayad. Isinugod pala sa ospital ang kapitbahay naming si Aling Dolor. Biglaan daw na inatake sa puso.
January 29, Friday: Nagkita ulit kami ng ahente at inabot ko na sa kanya ang pera. Ang sabi niya’y maghanda pa raw ako ng Php 200,000, para sa ticket, show money at yung processing ng papeles ko dito sa Pilipinas. Uurong na sana ako kasi wala na talagang mapagkukunan pa ng pera. Buti na lang at sinabi niyang tatanggapin niya raw maski-i-collateral ang titolo ng bukirin namin. ‘Yan na lang din ang ginawa ko kaysa umasa sa wala, sa aming palayan. Nasa ICU na pala si Aling Dolor, malubha daw ang lagay.
February 4, Thursday: Mag-aaral daw ako ng foreign language sabi ng ahente. ‘Di daw kasi nag-iingles ang magiging amo ko kaya may Php 20,000 na namang kailangan pang-enroll sa language school. At kailangan sa loob ng 8 weeks ay makapagsalita na ako. Meron kasing interview at exam na kailangan kong ipasa. Dinalaw ko si Aling Dolor, at nabalitaan ko, may taning na pala ang buhay niya, 2-months-to-live na lang daw.
April 29, Thursday: Natapos ko nung nakaraang linggo ang pag-aaral at nakapasa naman ako sa exam. Ibinalita rin sa akin ng ahente na napadala na raw ng amo ko ang “Invitation Letter” para sa aking pagpunta, kaya sigurado na rin ang trabaho ko. Kaya lang kailangan ko pa raw ayusin muna ang mga dokumento ko dito: Birth Certificate na validated ng NSO, working papers sa POEA, at passport sa DFA. Maghanda daw ako ng mga Php 13,000 pa para sa mga susunod na lakad ko. Namatay na pala si Aling Dolor, at sa barangay hall ibuburol.
June 1, Tuesday: Iniabot na sa akin ng ahente ang Passport ko na may VISA! Nayakap ko siya nang mahigpit. Tuwang-tuwa talaga ako kasi sa tinagal-tagal ng paghahanda, sa dinami-dami ng ginastos at sa gabi-gabing kaba at takot, ay magkakaroon na ng katuparan ang mga pangarap ko. Ngayon ay para akong bagong silang na bata. Bagong buhay. Bagong pag-asa. Bagong bansa. Salamat sa Poong Maykapal, pinahalagahan Niya ang aking buhay! Nailibing na pala si Aling Dolor sa tulong ng mga kontribusyon. Pero malaki pa rin ang ginastos nilang bayad sa ospital, sa burol, sa sementeryo at libing. Lahat-lahat daw ay Php 333,000. Ang mahal pala ng buhay ng tao. Tatawid ka lang naman sa kamatayan ay gagastos ka ng Php 333,000!