Isa akong Ina na ipinagpalit ang sariling kaligayahan para sa isang magandang pangarap…
Taong 1991, dalawampung taon na ang nakalilipas ng itulak ako ng isang ambisyon, ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang tatlo kong anak. Iniwan ko ang bansang Pilipinas, ang aking masayang pamilya upang bigyan katuparan ang aking mga mithiin.
Bagaman nababalot ng kalungkutan ang aking puso ay pinilit kong maging masaya at mapuno ng pag-asa habang binabagtas ko ang sasakyang panghimpapawid. Napakadilim ng kalawakan ngunit nababanaag ko na pagkatapos ng dilim ay may araw na sisikat Ito ang nagpapalakas ng aking kalooban kahit hindi maitago sa aking mga luha ang hinagpis ng lingunin ko ang mga taong aking iiwan.
Welcome Abroad! Katuparan ng aking mga pangarap! Sa magandang bansa ng Italya ako ipinadpad, sa makasaysayan at banal na lugar ng Roma na dinarayo ng marami. Sana ay nakikita ng aking pamilya ang mga maganda at bagong bagay na aking natatanaw. Sana ay humahanga din sila sa mga gusali at lugar na noon ay sa libro ko lamang nababasa. Sana ay kasama ko sila upang mas lalo kong maramdaman ang pagkamangha at paghanga sa aking bagong mundo.
Ito na ang unang hakbang. Pagkatapos ng aking paghanga ay ang katotohan kung bakit ako narito, kailangan ko ng magtrabaho. Kumayod ng husto, makisama at manilbihan sa mga taong hindi ko kaano-ano.
Ito ba ang buhay na ipinagpalit ko sa Pilipinas? Halos wala na akong makita sa luhang masaganang bumubuhos sa aking mga mata. Nagsisikip ang aking dibdib sa awa sa sarili. Nanghihina ang aking kalooban, nahahabag ako sa aking bagong kalagayan pero kailangan kong magpakatatag. Kailangan kong labanan ang lahat ng aking nararamdaman. Muli ay gumuhit sa aking isipan ang mga mukha ng aking mga anak. Umaasa sila sa akin. Kailangang magtagumpay ako. Napakahirap at matagal bago ko natanggap ang lahat. Ngunit walang mahirap at imposible sa taong may pananampalataya sa Panginoon.
Naiibsan ang aking kalungkutan kapag dumarating ang araw na mahahawakan ko na sa aking mga palad ang salapi na aking pinaghirapan. Bawat pawis at sakripisyo katumbas ng malaking halaga. At ang pinaka- masaya para sa akin ay maipadadala ko na ito sa aking mga mahal sa buhay. Nakasisiguro akong may masarap na makakain ang aking mga anak, na kahit sa ganitong sitwasyon ay maiibsan din ang kanilang pangungulila. Wala akong panghihinayang kung kahit isang sentimo ay walang maiwan sa aking bulsa, ang mahalaga ay hindi magugutom ang aking pamilya. Hindi ito isang obligasyon para sa akin kundi ito ay tanda ng aking pagmamahal, na ako ay narito sa banyagang bansa para sa kanila. Para sa kanila.
Lumipas ang isa, dalawa, tatlo hanggang sampung taon. Naroon na ako halos sa gitna ng katuparan ng aking mga pangarap ng biglang dumating ang napakalaking dagok sa akin. Isang unos na kahit sa panaginip ay hindi ko inaasahang mangyari. Isang katotohanan na marahil ay bahagi ng aking pakikipagsapalaran. Ang mahal kong kabiyak ay nagpadala sa tukso. Ang dati kong pangarap na unti-unting nabubuo ay biglang gumuho. Lumukob sa aking pagkatao ang buong panghihina. Maraming tanong sa aking isipan. Saan ako nagkamali? Bakit ako? Bakit ang aking pamilya? Ito ba ang kapalit ng aking mga sakripisyo? Para sa kanila kaya ako narito pero ako din ba ang sumira sa aking mga pangarap?
Nanlulumo at halos wala ng luhang gustong pumatak sa aking mga mata. Gusto kong sumigaw at kagalitan ang mundo ngunit walang boses ang sa aking bibig ay nais lumabas. Nagpupuyos ang aking kalooban! Matinding galit ang namamayani sa aking puso. Gusto kong gumanti, sa kahit anong paraan upang iparamdam sa kanya ang sakit na aking nararamdaman. Ngunit sa aking puso ay mayroong mga munting tinig na aking naririnig… Paano na ang aking mga anak?
Hindi pa katapusan ng mundo, may mga tao pa akong dapat pag-ukulan ng aking atensyon at pagmamahal.
Hindi ang pagganti ang kasagutan sa aking mga tanong. Oo, marahil ako ay inapi, binalewala ng taong aking minamahal pero kailangan kong ituloy ang aking buhay. Kailangan pa ako ng mga taong umaasa sa akin.
Natagpuan ko ang aking sarili sa harap ng Simbahan. Sa altar, sa harap ng Poong Maykapal, habang nakaluhod ay umiyak ako ng umiyak. Para akong isang paslit na nagsumbong sa kanya. Ibinuhos ko ang lahat ng sama ng loob, walang tigil ang aking luha habang kinakausap ko Siya at sa katahimikan ay gumaan ang aking pakiramdam. Naroon ang kirot ngunit namamayani ang kapayapaan. Gaano nga ba kabigat ang aking krus kumpara sa krus na dinala ng Panginoon? Wala pa yata ito sa kalingkingan ng dinanas Niyang hirap.
Sa aking pagtayo ay naramdaman ko ang kakaibang lakas. Alam kong kasama ko Siya. Sa laban ng buhay ay hindi Niya ako iiwan at pababayaan. Siya ang nagtindig sa aking nanlulupaypay na espiritu. Ipagpapatuloy ko ang buhay, ang laban sa hamon ng mga pagsubok! Ang Panginoon ang aking sandigan at lakas!
Sa ngayon ay nagampanan ko na ng lubusan ang aking mga pangarap para sa aking mga anak. Nakapagtapos sila ng kanilang pag-aaral, may magagandang trabaho at mayroon na ding mga sarili at masayang pamilya. Wala na akong mahihiling pa para sa kanila. Sila ay mga biyaya ng Diyos sa akin at hindi ko na hinihingi sa kanila na ibalik sa akin ang lahat ng aking ginawa sapagkat ito ay alay ko sa kanila bilang kanilang Ina. Ang maging mga huwaran silang asawa at magulang ay sapat na para sa akin.
Ngayon, kailangan ko ng harapin ang kaisa-isang lalaki na pinagkalooban ko ng aking pagmamahal. Dumating na ang sandali para sa akin upang siya ay kausapin. Ngunit ibang “siya” ang bumulaga sa akin, isang lalaking mahina, maysakit, nagmamakaawa. Ito na ba ang tamang pagkakataon para siya ay aking gantihan?
” Bakit mo sinira ang ating pamilya? Ang ating mga pangarap? Wala kang karapatan na gawin sa akin ang lahat ng iyon!” Ito ang mga katagang aking binitawan sa kanya ngunit wala agad akong marinig na kasagutan bagkus nakita ko ang pagtakas ng dugo sa kanyang mukha, nanginginig at pumapatak ang kanyang luha, para siyang nauupos na kandila sa kanyang kinatatayuan at sa garalgal na boses na halos ay hindi ko marinig ay binigkas niya ang salitang “Patawad”…
Kinapa ko ang aking puso habang tinititigan ko ang kanyang nagma-makaawang mukha at naramdaman ko ang kapatawaran…
Marahil ay may sakit pa sa aking nakalipas ngunit alam kong hindi ko na ito kailangan pang lingunin. Narito ang aking asawa, nagkasala ngunit humihingi ng kapatawaran. Hindi ko maitatago na naging isa din siyang mabuti at mapagmahal na kabiyak, bagaman naging mahina upang labanan ang tukso. Ngunit sapat na siguro ang aral na aking natutunan, na sa kabila ng lahat ay naging matatag ako, lumaban at ngayon ay nagtagumpay.
Gusto kong buoin muli ang aking pamilya, ang isang relasyon na minsan ay dumanas ng isang malaking pagsubok. Wala akong makapang galit sa aking dibdib kundi katiwasayan. Ito ang biyaya sa akin ng Maykapal na alam kong dapat kong ibahagi.
Forgiveness can be the source of our new beginning. Hindi pa huli ang lahat, everybody deserves a second chance and I will give this to my other half, to the man who gave me three wonderful Sons.
Hindi na siguro dapat itanong at sagutin kung mahal ka ba ng taong mahal mo. As I’ve heard in one of the sermon, Christ died with open arms, ready to embrace us all…and yes, Love should always be like that, Open arms. Handang magpatawad at yumakap. Laging tumatanggap at may pusong nagmamahal.
Ni: LMM