Malakas na nga ba si Maganda? Ito ay isang tula alay sa lahat ng mga Kababaihang patuloy na nagiging malakas dahil sa mga hamon sa kanyang karanasan at kakayahan.
Hango sa isang alamat ng bayan
Pilipinas na tanging sinilangan.
Sa aking pagkabata ay pinaniwalaan
Nabasa ko sa librong nahiram.
Mula sa nabiyak na puno ng kawayan
Iniluwal ang isang kagandahan
Kapiling ang may angking kakisigan
Si Malakas at si Maganda ay isinilang.
Daang taon ay nakalipas
Pagkaalipin sa iba ay dinanas
Ninais din nilang makaalpas
Magkaroon ng maayos na bukas.
Itong si Malakas naghanapbuhay
Si Maganda ay iniwan sa bahay
Sa pamilya ay buong inasahan
Taguri ay ilaw daw ng tahanan.
Ngunit isang araw ay natauhan
Pagiging palamuti ay kinalimutan
Inaral ang batas at karapatan
Kinalas ang tanikalang kinamulatan.
Hindi na siya magtatago
Hindi na magpapakabobo
Hindi na imamaltrato
Hindi na isang dungo.
Malakas na nga ba si Maganda?
Di na aasa sa bisig ng kasama
Sariling diwa ang magpapasiya
Buong kaluluwa ang ikakasa.
Malakas na nga ba si Maganda?
Wala nang takot sa puso niya
Kaya nang lumaban sa karahasan
Pagkaalipin at kabastusan.
Malakas na nga si Maganda
Hindi na kagaya noong una
Kariktan ay kinaligtaan
Katapangan na pinuhunan
DITTZ CENTENO-DE JESUS