Ang Menudong baboy ay laging nangunguna sa mga paboritong lutong Pinoy. Lahat ng tahanan, o rehiyon man, ay may sari-sariling bersyon ng lutong ito na hindi maaaring mawala sa anumang okasyon bilang ‘putahe’ sa hapag kainan.
Gayunpaman, lahat ng bersyon ay magkakasin-masarap, ngunit ang paborito ng karamihan ay “Ang lutong bahay ni Nanay”.
Sangkap:
- 1 kilo Baboy
- ¼ kilo atay ng baboy
- 1 cup karots
- 1 cup patatas
- 1 cup siling pula
- 1/2 cup toyo
- 1 maliit na sibuyas
- 1 kamatis
- 3 pirasong bawang
- 1 kutsaritang brown sugar
- 2 cups tomato sauce
- 1 cup tubig
- 1/4 cup mantika
Kalahating pulgadang pakuwadrado ang gawing hiwa sa baboy at atay, gayon din sa patatas at karot. Pino naman ang hiwa sa sibuyas at kamatis. Pahaba at manipis nang bahagya ang hiwa sa sili. Igisa ang bawang, sibuyas, at kamatis. Isunod ang baboy at makaraan ang ilang sandaling pagkulo sa mantika ay timplahan ng kaunting toyo. Takpan at hayaang kumulo nang ilang sandali bago sabawan ng isang puswelong tubig at tomatoe sauce saka palambutin. Isama sa pagpapalambot ang sili upang lumasang mabuti sa salsa. Kung nais, papulahin sa pamamagitan ng katas ng atsuwete. Kapag malapit nang lumambot ang baboy, ihulog ang patatas at karots. Sa huli ang paghuhulog ng atay at hustuhin na ang timpla nang naaayon sa panlasa gamit ang brown sugar, asin at paminta. Ilang sandaling pagkulo lamang ay hanguin na upang hindi tumigas ang atay.