Ayon sa survey ng FMCG Spending study, ang mga Filipino consumers ay tinitingnan ang kalidad ng produkto kahit na mas mahal ang mga ito. Mga kabataang Pinoy naman ay nagsisimula ng bagong pananaw ukol sa pagtitipid.
Roma – Agosto 3, 2012 – Ayon sa mga pinakahuling survey, sa kabila ng napakaraming naglalabasang mga low cost products, ang mga Pilipino ay nananatiling handang magbayad ng mas mahal na presyo para sa tatak, tibay at maaasahang kwalidad ng mga produkto. Ito ang naging kasagutan ng karamihan ng mga respondents na mayroong higit na cash o higit na maykaya, ngunit pati na rin ng mga di gasinong maykaya at kakaunting cash lamang ang hawak.
Ang mga naging resulta ay nagpapahiwatig na ang mga Filipino consumers, sa katunayan, ay mas maingat diumano sa pagbili: sila ay handang magbayad ng mas mataas na presyo para sa mga branded products, at ayon pa sa kanila, ito ay nagbibigay ng karagdagang value sa produkto. At, kahit ang pagtitipid ay napakahalaga sa panahon ng krisis, para sa mga pamilyang Pinoy ang kalidad at kwalidad ng produkto ay mas mahalaga.
Ayon sa pinakahuling ‘Philippine Households’ FMCG Fast moving consumer goods Spending Study, higit sa 62% ng mga respondents ay nagsabing ang mas mataas na presyo ay kumakatawan sa mas maroong kalidad na produkto at 84% naman ang nagsabing sila ay bumili ng mga mas mapagkakatiwalaang branded products.
Sa kabutihang palad, kahit na ang mga pangunahing marka ay sinusubukang gawing mas abot kaya ang halaga sa mga consumers. Isa sa mga paraan ay ang mai-alok ang mga produkto sa mas maliit na bahagi – Sinimulan ang pagbebenta ng mga produkto tulad ng shampoo, toothpaste ng tingi upang maabot ang mas malaking bahagi ng popolasyon.
Ang Ikalawang Henerasyon
Hindi malinaw kung ang mga kabataan ay nakamana sa mga nakakatanda, ngunit sa kamakailang survey mula sa Cartoon Network, ang mga kabataang Pinoy ay aware sa konsepto ng pagtitipid para sa kinabukasan: ang mga kabataan, sa pagitan ng 7 hanggang 14 na taong gulang, ay kinapanayam ng Ipsos: ang 51% ng mga kabataang ito ay ginagastos lahat ng perang kanilang tinatanggap, ang 34% naman ay hindi ginagastos lahat at naghuhulog ng pera sa alkansya samantala ang 11% naman ay ibinibigay sa magulang upang itago ang pera para sa kanila. Maliit na bahagi ng mga magulang, ang 14%, ang nagbukas ng bank account para sa kanilang mga anak samantala ang malaking bahagi, 61% ay sumagot na gagawin ito sa sususnod na 12 buwan.