December na kababayan! Ang buwan na pinakahihintay ng lahat. Hindi lang dahil ito ang buwan na ipagdiriwang ang Pasko bagkus ito rin ang buwan na kung saan tatanggap tayo ng maraming bonuses. May tredicessima (13thmonthpay), liquidazione (separation pay – kung ibinibigay taun-taon), ferie (bakasyon – kung hindi nagamit lahat) 730 rimborso (tax refund) at ang ating sahod. Kung ating isipin talagang merry na merry ang ating pasko.
Sa puntong ito, ni minsan ba pumasok na sa isip mo kung saan at paano mo ito gagamitin? Maaring sabihin mo oo, para ito sa bagong iPhone 13 Pro Max regalo ko sa sarili ko o isang Air Jordan shoes na hiling ni bunso o di naman kaya ipapadala sa Pilipinas para sa mga mahal sa buhay. Lahat ng mga ito ay tama at balidong rason kung saan at paano gagamitin natin ang ating mga pera ngayong December.
Narito ang ilang tips mula sa isang Financial Adviser at isang ring Registered Financial Planner, kung paano natin magagamit ang mga matatanggap sa pagpapaganda ng ating buhay at hindi lang sa material na aspeto nakatuon tayo.
Mga praktikal na tips kung paano at saan gagamitin ang mga matatanggap na pera ngayong December:
- Emergency Fund.
Magdadalawang taon na tayo sa pandemiya at ramdam pa rin natin ang mga nangyari noon Marso 2020 na kung saan naranasan natin ang tumigil ng trabaho dahil hindi tayo makalabas. Naranasan nating manghingi ng tulong sa ibat ibang simbahan, sa mga municipio at sa mga ibat ibang tao. At ating naranasan na mawalan ng trabaho dahil maging ang ating mga employer ay takot nabawasan at nawalan rin sila ng ikabubuhay.
Kaya ang ating suhestiyon ay magtabi ng may katumbas ng anim (6) hanggang labindalawa (12) na buwan ng gastos kada buwan bilang emergency fund. Sa pamamagitan nito mawalan ka man trabaho o maulit man ang ating masamang karanasan nakahanda ka na kahit papano.
- Bumili ng Life, Health at Medical Insurance.
Maraming mga kababayan natin ang allergic o takot sa salitang insurance dahil siguro sa karanasan nila. Bilang paglilinaw kung para saan ang Insurance, ito ay isang risk management tool o isang instrumento na ginagamit upang mabawasan ang mga aalahanin sa buhay.
Life Insurance. Ginagamit ito bilang pamalit sa ating income (income replacement fund) sa pagkakataon na mawala sa mundo ang isang breadwinner. Isang halimbawa ay kung ikaw ay kumikita ng $6000 kada taon o $500 kada buwan, kung ikaw ay may Term Insurance (isa sa mga klase ng life insurance) at ikaw ay mamatay ang pamilya mong naiwan ay tatanggap ng $50, 000 (base ito sa aking term insurance sa posta italiane) na maari nilang gamitin upang magpatuloy na lumaban sa buhay. Isang babala lang huwag basta basta bibili ng insurance kapag hindi pa naiintindihan.
Health and Medical Insurance. Ang insurance na ito ay ginagamit kung tayo naman ay magkakasakit. May isang nurse ang nagsabi “marami na akong nakitang mayayaman na pumasok sa hospital ngunit nang lumabas sila’y mahirap na dahil naubos ang kanilang kayaman sa pagbabayad ng hostipal bills”. Sa panahon ngayon na naglipana ang ibat ibang mga sakit, napakaimportanteng may proteksiyon kaya isa sa aking suhestiyon ay kumuha ng produktong ito para kung sakali man dapuan tayo ng sakit may laban tayo.
- Pagsisimula ng ating mga Investments.
Sino ba naman ang ayaw magkaroon ng extra income. Kaya napagandang pagkakataon ito upang simulan ang inyong investment journey. Ako ay lubos na naniniwala na sa ating mundong ginagalawan ngayon ay may tatlong paraan lamang upang magamit natin ang kapangyarihan ng pera. Ito ay sa pamamagitan ng pagbili ng Real Estate, Business, at Paper Asset.
- Real Estate. Kung ating iniisip ay passive income o pagpasok ng pera kahit dika nagtatrabaho maari tayong bumili ng mga ari arian na magbibigay sa atin nito. Halimbawa ay apartment, bahay o condominium na paupahan. Kung mayroon ka nito kahit hindi ka man magtrabaho, habang may umuupa sa property mo may papasok na pera sa iyo.
- Business. Isa ito sa pinakamabilis na paraan ng pagyaman at pwede rin sa kabaliktaran. Kaya isa sa mga payo na ibinibigay bago ito pasukin ay ang alamin kung tayo ba ay nababagay o kaya natin ang patakbuhin ito. Mayroon ba tayong kaukulang galing o mga abilities para masustain ito sa mahabang panahon. Ayon kay Mr. Dodong Cacando, isang successful businessman, dapat sa pagtatayo ng business alam mo ang purpose bakit mo ipinatayo ito. Sabi niya “the purpose you do in life will determine how you live and how will you do your business”. Kaya sa pagbubusiness kailangan muna ng abilities pangalawa lang ang puhunan para masigurado ang tagumpay.
- Paper Assets. Sa panahon ng digitalization, lahat na ay ginagawa online. Maging ang paglalagak ng pera ay pwede na rin online (hindi online sabong). Kaya isa sa mga paraan ng pagpupuhan ay sa mga paper assets through capital appreciation katulad ng Stocks, Unit Investment Trust Fund (UITF) at Mutual Funds, Bonds at Money Market Funds.
Stocks. Ito ay pagbili ng mga shares ng mga publikong kompanya (public listed companies) katulad ng Jollibbe($JFC), Ayala Corporation ($AC) at SM ($SM). Ito ay maaring bilhin sa tinatawag natin na Stock Market. Ang instrumentong ito ay high risk at hindi akma sa mga matataas ang risk profile nila sa investment. Ngunit ayon sa pag-aaral, ito pa rin ang isa sa pinakamabisa at pinakamabilis sa pagpapalago ng pera kapag ito ay ginawang long term at alam ang mga kompanya na pinaglalagakan ng pera. Mga kompanyang matatag (bluechips) at tiyak ang paglago sa loob ng 50 to 100 years o higit mula ngayon.
Ngunit bago pasukin ang investment na ito, dapat alamin and pagkakaiba ng investing at trading. Mas magandang kumunsulta muna sa isang registered financial planner upang makita anong risk profile mo at pinaka importante ano ang mga layunin bakit mo napili ang instrumentong ito.
Maaring bumili ng parte ng mga kompanya (shares of stocks) sa lehitimong broker na rehistrado sa Securities and exchange commission at sa Philippine Stock Exchange. Ang broker ay isang kompanya na magsisilbing middle man mo para makabili nito. Halimbawa ng mga lehitimong brokers ay Col Financial, Mytrade, First Metro Securities at marami pang iba. Kung gusto mong makita ang buong listahan ng mga official broker sa ating bansa bisitahin lang website ng PSE (www.pse.com.ph).
Mutual Fund at UITF. Kung ikaw naman ay may maliit pang puhunan at kinakabahan na pumasok sa stock market at kailangan mo ng tulong ng isang eksperto, ang instrumentong ito ang nabagay sa iyo. Ano ba ang pinagkaibahan nito sa stock market? Kung sa stock market ikaw ang direktang pumipili ng kompanya na paglalagakan mo ng pera ang UITF at Mutual Fund naman ay pinapangasiwaan ng isang eksperto (fund manager) at siya na ang bahala na pumili ng mga asset class na bagay sa risk appetite mo. Maaring magsimula sa instrumentong ito sa 50 pesos pataas gamit ang gcash na app. Maaring bumili ng shares o unit sa inyong mga bangko at mga broker din.
Bonds. Kapag ikaw pa rin ay takot na pumasok sa dalawang naunang nabanggit dahil baka mawala ang puhunan at gusto mo ng sure na kita, dito sa Bonds naman pwede mong ilagay ang pera mo. Mga popular dito ay ang RTB (retail treasury bond) ng gobyerno at Pag-ibig mp2. Ang bonds ay pwedeng kuhanin sa mga mismo mong bangko.
Time Deposit. Alam kong alam na alam natin lahat ito at paborito nating paglagyan ng ating mga pera. Pero sa panahon ngayon sobrang mababa na ng interest rate at pag dito ka maglagay maaring matalo sa inflation ang pera mo. Magandang gamitin ang time deposit para sa ating emergency fund lamang.
Ang mga nabanggit ang mga tips kung saan at paano natin gagamitin ang ating mga matatanggap ngayon December. Lagi natin sanang tandan na ang ating pera ay lubos natin pinagpapaguran kaya nararapat lamang na itoy prokektahan at palaguhin.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa ating lahat!!!
(Aries Baloran – Registered Financial Planner)