in

Na “trapik” ka rin ba?

Nabasa ni aling Adelaida ang isang kalatas na pinauuwi na ng DFA ang mga OFW na nagtatrabaho sa Libya. Nasa bulletin board ito ng Embahada. Usap-usapan ito sa kanilang hanay. Delikado na ang lagay ng mga Pinoy dahil sa giyera.“Pa’no na kaya ang pinapaaral ko sa Pilipinas”?, wika ni Adelaida sa sarili. May isang “kaibigan”, na “kakilala” ni ganito at ni ganire ang nagbulong sa kanya. Siya daw ay maaring makatawid ng Europa.“Magkano naman”?, tanong ni Adelaida sa kanyang kausap. “1,500 US dollar at makakarating ka sa Italya”, sagot sa kanya. “Paano ? ,(mahabang patlang). Sige pag-iisipan ko”, muli niyang sagot.

Araw ng pagkaon ( pick-ap)

Inabot ni Adelaida ang 1,500 US dollars sa kanyang ismagler. Kaagad ay kinuha siya ng mga ito at dinala sa isang safe house. Dalawang araw siyang nanatili sa lugar. Armado ang mga lalaking kanyang dinatnan. Animo basurahan ang lugar. Marumi at iisa ang palikuran. Parang inabandona na gusali. Ito ang gumulantang kay Aling Adelaida. Tinanong siya ng Ako ay Pilipino bakit hindi na lang siya umuwi sa Pilipinas,“walang trabaho doon para sa akin. May pinapaaral ako na anak sa Unibersidad”, sagot niya. Pangalawang beses na pakikipagsapalaran na niya ito. Pinagtangkaan na gahasain si Adelaida. “sinundan ako ng isa sa mga bantay sa banyo, pinasok niya ako”, nanginginig ang laman niya sa takot. “Nagsalita lamang ako ng arabic kaya napatigil siya at tumalikod”, dagdag ni Adelaida. Ayaw na lang niyang sabihin pa kung ano ang kanyang sinabi.“Nakakatakot, kaya pinakiusapan ko ang 2 pang Pinoy na kasama ko na huwag akong hihiwalayan”, nanginginig ang boses na isinalaysay niya ito sa Ako ay Pilipino.

Oras na

Nais ma sanang umatras ni Adelaida. “Ang sinoman na tatakas ay aming babarilin”! Mariin na banta ng mga gwardiya. Maghahating gabi na ng sumakay sa maliit na barko ang mga “trapik”. Tanging daluyong ng alon at malakas na hangin ang mararamdaman. Tatlong daan (300) ang kapasidad, subalit 750 ang inilulan sa barko. “Akala ko kamatayan ko na, naisip ko na maaaring lumubog ang barko”, kwento niya. Tatlong araw sa laot ang biyahe patawid ng Italya mula Libya. Kanya-kanyang dala ng pagkain. Siksikan. Walang tulugan. Miserable ang palikuran. Isang Ina ang nagsilang na sanggol. Wala ng buhay kaya itinapon na lamang ito sa dagat. “Sa tanan buhay ko, ito na ang pinaka karima-rimarim na aking nasaksihan. Napaluha ako, ngunit wala akong magawa”, salaysay ni Adelaida.

Sakripisyo at patuloy na kawalan ng oportunidad

(Sundan ang salaysay sa ibaba matapos ang mga patalastas)

Nakarating sa Sicily si Adelaida. Katulad niya, marami ang nangahas na suungin ang kapahamakan. Isa siya sa maraming Pilipino na tumatakas sa kahirapan at kawalan trabaho sa Pilipinas. Nagpapatuloy ang ganitong Exodus. Sa ngayon, si Aling Adelaida ay regular ng naninirahan at nagtatrabaho dito sa Italya maging ang 2 kasama niya sa biyahe. Ayon sa kanya, marami pa ang nagkanya-kanya ng paraan para makatawid sa Italya. Ang ilan ay nakikita at nakakusap niya sa Social Media. Ang iba ay wala na siyang balita. (ni: Ibarra Banaag)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Decreti di Sicurezza, tatanggalin!

Filipino Women’s Association Biella, nagdaos ng Ikalimang Anibersaryo