Inihihingi ko ng paumanhin
Ang kapangahasan kong gambalain
Ang nakahimlay mong diwa
Sa taludtod ng pagkalimot.
Dagli kang bumangon, mag-inat
Sukdang punitin ang pupungas-pungas
Na pag-iisp at ‘wag ipagkamaling
Isa itong bangungot sa tanan.
Hayaang ang isip ko’y makapanulay
Sa himaymay ng iyong kaibuturan.
Pahintulutang mangusap sa’yong kamalayan
Hanggang tulog na gunita ay maalimpungatan.
Kung hanggang sa ngayo’y dinuduyan ka
Ng oyayi at siping ng bukangliwayway,
Alalahanin sana, araw man may takipsilim
Sa isang kisap mata maglalaho, kakaway.
Ang alitaptap ay sa gabi lamang may ningning
Bahaghari mandin nagkukubli sa buhos ng ulan.
Maging ang batis natutuyo, nasasaid
Sampo ng dalisdis na nais nating tuntunin.
Kung ang pag-ibig ay balot ng hiwaga
Subalit salat sa matatag na batayan.
Uuk-ukin ito singtayog man ng lukso
Magugupo lamang tulad ng tsonggong palalo.
Mahal ko, ang sumpaan ay higit sa pangako
Ang salita ay hungkag na pahiwatig.
Ang pukyutang nilisan ng bubuyog
Sa mandaragit ay imbitasyong kaakit-akit.
Huwag ipagkibit kung akin man nasaling
Ang tinikling at kurlong na nakakaaliw.
Ang timyas ng harana ay wala sa ritmo’t mang-aawit
Kundi sa salimbayan ng dalawang pusong umiibig.
ni: Ibarra Banaag