Nakakalasing nga ba ang pangarap na ITALYA? Narito po ang isang kathang-isip na istorya ukol sa pangarap na pagpunta sa Italya. Anumang pagkakatulad sa pangalan at kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.
“Mga parekoy subukan natin itong padala ng girlfriend ko, alak galing pa sa Italy” masayang nagyaya ng inuman si Domeng bitbit ang isang botilya.
Sa kasunduan ng mga kapatid ay bigla na lamang siyang nagising na katipan na siya ni Lorna ang kaibigang matalik ng kanyang ate Vicky.
“Sige at kahit paano ay makatikim tayo ng galing Europa!”. Sabay na sigawan ng mga kaibigan. “Ay pag-alis mo Domeng ay medyo padalhan mo din kami at ng makaranas kaming magbukas ng balikbayan box”, kantiyaw pa ng mga ito.
“Ay kung yung mga anak ni Ka Lupeng ay titulado lahat pero nandoon sa Roma at nagkukudkod ng kubeta ay ako pa kayang hindi nakatuntong ng Hi skul man lang ang hindi sumugod doon!”, ang wika ni Domeng na wari ay binibigyang katwiran ang pagiging katulong na daratnan niyang trabaho sa Roma. Dumating na ang Nulla osta o working permit niya na sa tulong ng kanyang kasintahan ay nakuha agad upang sila ay magsama sa Italy.
“Huwag mong intindihin ‘yon, ang mahalaga ay makatakas ka sa kahirapan dito sa probinsya”, ang sabat ng isang kaibigan.
“Kung ayaw mo ay pekeen ko ang passport ko at ako na lamang ang sisiping sa katipan mo”, pabirong banat ng isa. Isang katotohanan na alam ng kanyang mga kaibigan na walang ligawang namagitan sa dalawa. Isa sa mga solusyon upang makaalis ng bansa ay ang kasunduan na kunyari ay may relasyon sa isang kababayang may mabait na amo upang makatulong sa pagkuha ng work permit.
“Ay bakit halos ubos na itong alak ay wala pa akong tama?”, sabat ng kaibigang sinusuri ang laman ng bote.
“Tatamaan ka sa akin kapag hindi ka tumigil sa pangungulit sa katipan ko!”, ang pabirong sagot ni Domeng. “Yan din ang sabi ng ate Vicky ko na ang alak daw doon kapag tumayo ka sa inuman ay doon mo matutuos ang lakas ng tama.”
Saglit na naputol ang ala-ala ni Domeng ng biglang tumigil ang sinasakyang bus.
Capolinea na pala at bababa na siya upang pumasok sa part time job niya. Kahit baluktot na english at italyano ay natanggap siyang tagalinis ng isang Villa sa Olgiata. Magkasama na sila ni Lorna na sa isang silid ng apartment na inuupahan naman ng kanyang kapatid na si Vicky.
“Yung dating amo ni Lorna sa Olgiata ang papasukan mo”, paliwanag ng kanyang kapatid. “Part time ka lang at ikaw ang magbabayad sa INPS mo sa loob ng unang permesso di soggiorno dahil yon ang kasunduaan sa pagkuha ng working permit mo”, paliwanag pa ng kanyang ate.
“Magkakasundo kayo ng amo ko parehong barok ang english ninyo hahahaha” masayang sabat ng bagong kasintahan. Parang ang kasunduan ay nauwi na sa isang pagmamahalan. Masuyong iniabot sa lalaki ang isang italian phrase book. “O ayan pag-aralan mo para kahit kaunti ay matuto kang sumagot sa wikang italyano.”
“Kung kasama ko si Kalakian ay mas mauuna pa iyong matuto kesa sa akin” pabirong sagot ni Domeng na tinutukoy ang alagang kalabaw. Aminado siyang mapurol ang utak sa pag-aaral subalit kapalit noon ay ang mabilis niyang matutunan ang mga simpleng gawain at kalikutin sa bahay.
“Mahal nawawala ako di ko matunton ang daan pauwi ng bahay nandito ako sa kalsadang Senso Unico!”, paliwanag ni Domeng.
“Amore ibig sabihin ay one way street itanong mo ang pangalan ng kalye at dadaanan kita o magtaxi ka nalang pauwi.” Natutuwang sagot ni Lorna. Marami pang eksena sa buhay ni Domeng sa Italya na nakakatawa dahil na din sa kahirapan niyang matuto ng wika.
“Dom where are the artichokes?”, tanong ng among babae.
“ Madam i put in the salone in the flower vase”, listong sagot ni Domeng.
“No they are no flowers!!”, nangiti ang amo habang kinukuha ang gulay sa flower vase. “Call Lorna and ask her how to prepare insalata di carciofi”, dagdag ng amo na laging solusyon ay ang tawagan ang dating katulong.
“Use the special vinegar I bought today it is in the shopping bag in my car”, ang utos ng amo.
Madaling nagtungo si Domeng sa garahe upang kunin ang pinamalengke ng amo. Nang tumambad ang boteng hinahanap ay hindi niya napigilan ang tumawa ng malakas. Ito rin ang bote ng alak na huling pinagtagayan nila ng kanyang mga kaibigan, ang aceto balsamico di Modena!!
ni: Tomasino de Roma