Tatlong Romanso, saan ka nabibilang dito?
1. Ang Romanso
Habang sinusuklay ng aking mga daliri ang makintab at kulot niyang buhok. Naka-agaw pansin ang mala-abo na hibla na nakasingit sa milyong himaymay ng dati ay itim-na itim na kulay. Marahil natupok na ng araw at ng lamig. O kaya, ang di litaw na nagkikimpingang tunggalian sa kaibuturan ng kanyang dating malusog na buhok.
Sa gitna ng marahas at di mapipigilang pagpapalit ng kulay at pagkawala ng kislap at sustansya ng nakakabighaning bagsak ng kanyang buhok. Tila may nangungusap na kwento ang bawat pagkupas sa bawat taon ng pagsasama. Nakapagpunyagi man ang mala-abo o ang puting kulay sa dati ay itim na itim at kulot niyang buhok – may parte ng siklo na nakapananaig.
Ang patuloy na pagyabong ng pagmamahalan. Ang kapasyahang sumalungat sa pagbabago ng panahon. Ang di mapigilang pagnanasa na ipagpatuloy ang sinumpaang pag-ibig. Simula ng mangusap ang kanilang mata, ang bawat pisil sa kamay at ang unang dampi ng kanilang mga labi. At lukso ng bawat sandaling magkaniig.
Bato balaning hanggang sa ngayon ay nakapamamayani.
2. Pahimakas ng piping saksi
Wag mo akong ibilang sa iyong pangarap, malulunod lamang ako sa pananabik. Mauuhaw lamang ako sa talulot ng aking imahinasyon. Matutuyo lamang ang aking lalamunan sa pag-awit.. Magiging bingi ang aking tainga sa pakikinig ng malamya mong tinig.
Mahihirati lamang ako sa bawat pagkunsiti ng iyong pagsinta..Iduduyan lamang ako ng bawat lambing tungo sa walang katapusang pagkakahimbing. Mananatili lamang akong bihag nito kahit anong pagpiglas ang iukol.
Ohh bakit? Sa milyong tingin na ipinukol sa akin, sa daang libong paanyaya at di mabilang na pagkakataong pagtaksilan ang sarili…, bakit hanggang ngayo’y naririto at namamahay sa kasuluk-sulukang bahagi ng aking isip.
Oo, ikaw na mula sa alabok ay kasabay na nagkahugis at puwang sa aking puso. Nag-iwan ng mantsa at pakiwari ko’y walang sinuman ang makakapag-alis nito. Tulad ng puwing sa lumalabo kong paningin.
3. Oyayi sa lilim ng Distiero
Isalba mo ako sa banta ng langit-langitang kumunoy ng pagkakahiwalay. Bigyan mo ng kongkretong salalayan ang mga salitang namumutawi sa labi.. Isa-isa mong ilatag ang pira-pirasong tatawirang baytang sa mundo ng pag-iisa. Punuuin mo ang sisidlan ng mga batayang ibabaon sa masalimuot at liko-likong dalisdis ng kahibangan.
Simulan mong mahalin yaong hindi kaibig-ibig. Halikan mo ng walang pagdadalawang-isip ang pangit sa iyong paningin. Yakapin mo ang magagaslaw na lengwahe at paramdam. Ang pag-ibig kung wagas, ito ay yayabong. Mulat nitong tatangapin ang magkabilaang mukha nito. Ang pangit at maganda. Ang mabuti at masama. Ang tagumpay at pagkabigo.
Magnilay kung sakaling ligaya lamang ang kayang arukin ng pagsinta.
Pagkat ang iyong pagkabigo, ay pagkabigo ng dalawang puso. Dalawang puso na nangahas tumakas sa disyerto ng pag-iisa. Nagbakasakaling sa isla ng pagkabagot ay may pusong handa na sumalungat sa rumaragasa at malungkot na pangitain ng paglisan.
Oo, alalahanin mong ika’y mortal.
ni: Rhoderick Ople