Mahahalagang paalala ukol sa tamang paraan sa pagbili ng mga produkto at pagpili ng mga shops sa panahon ng sale o saldi, ayon sa Codacons.
Ang Codacons, consumer’s association, ay naglathala ng mga mahahalagang paalala ukol sa tamang paraan sa pagbili ng mga produkto at pagpili ng mga shops kung saan matatagpuan ang inyong mga kinakailangan sa panahon ng sale o saldi.
Ito ay palaging nakatakda sa katapusan ng bawat season dahil sa panahong ito ibinebenta ang mga labing produkto at mga stocks ng patapos na season.
Kaya’t unang payo ng Codacons na layuan ang mga shops na halos wala ng laman at mabilis na napupuno ng produkto sa araw lamang ng sales. Marahil ang mga produktong sale ay lipas na sa moda, luma na at ang mga presyo nito ay mapanlinlang na.
Narito ang ilang paalala:
- Mag-ingat sa mga diskuwento na mas mataas sa 50%. Ang mga negosyante ay hindi maaaring magbenta ng mas mura kaysa sa puhunan ng mga ito.
- Palaging itago ang resibo. Hindi totoo na ang mga nabiling produkto sa sale ay hindi maaaring palitan. Ang mga shops ay obligadong palitan ang mga produktong may depekto kahit na nasa sale ang mga ito tulad ng nasasaad sa art. 1495 ng Code.civ. na magreklamo sa loob lamang ng walong araw pagkalipas matuklasan ang depekto ng produkto. Gayunpaman, ang batas 24/2002 ay nagsasaad na ang mga mamimili ay maaaring mag-reklamo sa loob ng dalawang buwan mula sa petsang matuklasan ang depekto.”
- Subukan o isukat ang mga produkto: ito ay hindi obligado at dipende sa mga nagtitinda. Ngunit ipinapayong suriin mabuti ang produkto bilang pag-iingat upang hindi magpabalik-balik sa shop.
- Upang maiwasan ang pagsisisi sa huli, mag-ikot ikot muna at huwag tumigil sa unang shop na may diskuwento. Ikumpara muna ang mga presyong nakalantad sa ibang shop upang makakakita ng mas mababang presyo.
Tips para sa pagbili:
- Alaming mabuti kung ano ang kinakailangan bago pumasok ng isang shop at gumastos: hindi madaling maiimpluwensyahan ng mga salesman at hindi manganganib na mabili ang mga bagay na hindi kailangan pag-uwi ng bahay, marahil sa murang halaga ngunit hindi naman kailanman gagamitin. Ang pagbili ng mga produkto sa mataas na halaga ay hindi nangangahulugan ng isang kalidad na produkto. Mag-ingat din sa mga trademark na katulad ng mga kilalang brand.
- Mainam ang mayroong mapagkakatiwalaang shops. Bumili ng mga produktong alam na ang presyo at/o kalidad ng sa gayon ay malayang makakapag-isip at masusuri ang halaga nito sa pamimili pag sales na.
- Tandaan na ang label ay kinakailangang nakalantad sa bawat produkto at dapat nakikita ang pagkakaiba ng luma at bagong presyo pati ang porsyento ng discount.
- Mag-ingat sa mga window shop na natatakpan ng mga poster, na nagiging dahilan upang hindi makita ang mga presyo nito. Tingnang mabuti kung ang mga produktong nasa sale ay nakahiwalay sa mga bagong produktong hindi naka sale.
Kung pakiramdam ay nalinlang, maaaring lumapit sa Codacons o Municipal Office.