Ang ONLINE CLASS ay isang plataporma ng pag-aaral kung saan ay idinadaos sa pamamagitan ng paggamit sa internet, at ang estudyante ay di na kinakailangang lumabas pa ng bahay upang magtungo nang personal sa klase at makaharap ang guro at mga kamag-aral.
Nang magkaroon ng lockdown sa mga bansang apektado ng COVID19 Crisis, nakapagpatuloy pa rin ang mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo sa kanilang pag-aaral gamit ang computer.
Sa Italya, sa kabila ng lockdown noon, ay nakapagdaos ng klase ang mga guro sa itinakda nilang araw at oras, at nakatulong ang mga magulang dahil sila man ay nasa bahay lang noon at di nakapagtrabaho o kaya naman ay work-at-home din kaya may panahong sapat para gabayan ang kanilang mga anak.
Bagama’t iba pa rin ang atmospera ng isang silid-aralan kung saan ay may personal na interaksiyon sa pagitan ng guro at mga estudyante , kailangan na lamang gawing mas masigla, epektibo at imperatibo ang paraan ng pagbabahagi ng aralin upang ang mga bata ay magkaroon ng pokus at ibuhos ang kooperasyon. Kaya masasabing trending ang online class ngayon at isa ring matinding hamon para sa lahat upang maging matagumpay ito kahit sa panahon ng stay-at-home.
May kakambal din itong hirap para sa iba dahil hindi naman lahat ay may kayang magkaroon ng internet sa kani-kanilang tahanan kaya ang ginagamit ay ang mga telepono ng mga magulang na may subskripsiyon ng internet o kaya ay pakikipagkomunikasyon gamit ang WhatsApp o Messenger.
Isipin din natin ang kalagayan ng mga mag-aaral kung saan ang kanilang mga magulang ay full-time health worker gaya ng doktor, narses, sanitary workers at iba pang patuloy ang hanapbuhay dahil kailangan kahit panahon ng lockdown. Maaaring mahirapan sila dahil sa walang sapat na panahon ang mga magulang upang matulungan at matutukan sila sa kanilang online class.
Sa panayam sa ilang magulang na nakasubaybay noon sa pag-aaral ng kanilang mga anak, gaya nila EDS IGNACIO at GRACE RAMOS , narito ang buod ng kanilang sagot sa mga naging katanungan ng AKO AY PILIPINO:
Ayon kay Eds Ignacio, nagkaroon ng disiplina ang mga bata dahil nagkaroon ng regola sa kanilang bahay na dapat maglaan ng oras sa paggawa ng aralin, paglalaro o ang paggamit ng gadget. At sa kaniya bilang isang ina, naging hamon din ang isaayos ang kanyang oras para magampanan ang mga gawaing-bahay at pagsubaybay sa pag-aaral ng anak. Sa kanilang kuwarto ay sadyang naglaan ng study area upang higit ang konsentrasyon kaya napakinabangan nang husto ang study table. Sa kanya namang palagay, di gaanong epektibo ang online class lalo sa maliliit na bata dahil sa hirap na mapanatili sila sa kanilang upuan , kadalasan ay naiinip ang mga ito.
Sa mga batang katulad nila Kevin, Epi at Lia, sabik sila sa paggawa ng crafts gaya ng pagkukulay. pagguhit at paggupit sa mga papel ng iba’t ibang hugis ayon sa kanilang disenyo. At natugunan din ng mga nanay ang pagtuturo na makapagsulat at makapagbasa ang mga bata.
Ayon naman kay Grace Ramos, ang dalawa nilang anak na si Charles and JD na nasa Superiore at Liceo noong panahon ng lockdown, ay sanay na sa paglalaan ng sapat na oras sa kanilang pag-aaral. Gumigising sila nang maaga upang ihanda ang sarili sa pagre-review para sa verifica at interrogazione. Di rin naman sila stressed na mag-asawa dahil parehong may inisyatiba ang kanilang mga anak. Kaya naman di nila iniistorbo ang mga ito kapag nasa study area ng kanilang kuwarto. Para kay Grace na dating guro sa Pilipinas, di gaanong epektibo ang online class lalo at may mga pagkakataon na humihina ang internet connection. At iba pa rin ang personal na interaksiyon sa pagitan ng guro at mga mag-aaral at ang pagkakaroon ng aktibidad na magkakasama ang magkakaklase.
Ayon naman kay Alyzza Guevarra, estudyante ng Linguistico ng Liceo , sa Roma, naglaan siya ng apat na oras sa pag-aaral sa online mula Lunes hanggang Biyernes at dalawang oras naman sa araw ng Sabado. Bagama’t nakatulong ang online class, nahirapan din naman siya sa dami ng ibinigay na homework ng kanilang guro. Kailangan lang talaga ng pokus upang hindi siya mainip at maitutok ang konsentrasyon sa mga aralin.
Bagama’t ang paaralan ay isang plataporma kung saan ang mga bata ay napapaunlad ang mga kasanayan hindi lamang sa akademiko kundi pati sa pakikisalamuha at pagsasagawa ng mga extra-curricular activities, ang pag-aaral sa pamamagitan ng online class ay dapat mapalalim pa sa pamamagitan ng mga research at pagbabasa ng iba pang reference books or e-books. Dapat ding isaalang-alang ang isang tahimik na puwesto sa tahanan upang magkaroon ng motibasyon at konsentrasyon habang may online class. Kailangan din laging paalalahanan ang mga kabataan na magkaroon ng maayos na daily habits, pagkain ng masustansiyang pagkain, tamang oras ng paglilibang o paglalaro at pakikipag-bonding sa magulang at kapatid.
Sa nalalapit na pasukan, maging sa Pilipinas o ibang bahagi ng mundo, isang hamon ito sa gobyerno, sa departamento ng edukasyon, sa mga guro at mga magulang , kung paano ba matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Dahil sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya, mahalaga ang pagkakaroon ng suporta sa mga materyal na gamit, sa koneksiyon sa internet, sa pagdisiplina sa mga estudyante para sa bagong daily routine nila at mas tutok na pagsubaybay sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng ONLINE class. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)