Paano mapapanatiling ligtas ang ating mga smartphone at computers? Narito ang mga tips upang maiwasan ang cyber-attack.
Up-to-date ang software
Dapat ay palaging updated ang operating system pati ang pangunahing mga programa sa pc. Ito ang unang tip upang malabanan ang mga makabagong software na nakakapinsala. Kahit ang operating system ng mga smartphone ay dapat palaging updated din.
I-download lamang ang mga official app
Sa mga smartphones ay mahalagang mag-install lamang ng mga app mula sa mga official stores. Huwag magki-click basta basta sa mga link. Partikular, iwasan ang mag-click sa anumang link na ipinapadala sa mga email. Ito ang karaniwang ginagamit online upang makuha at magkaroon ng access gamit ang iyong username at password. Ito ang tinatawag na phishing. Mula ito sa salitang ingles na fishing na literal na nangangahulugan ng pangingisda ng mga confidential information.
Tandaan na walang bangko, post office o anumang tanggapan ang nagpapadala ng link na hindi nag-aabiso muna sa user. Lalong higit, huwag na huwag magbibigay ng username at password. Ang mga email na natatanggap at pinaghihinalaang bogus mail ay mas makakabuting i-delete agad.
Gamitin ang sariling data at huwag ang public wifi network
Kung dapat gumawa ng bank transfer o anumang maselang online transfer, ipinapayong huwag gagamit ng public wifi network. Mas makakasigurado kung ang gagamitin ay ang sariling mobile data. Ang phishing sa mga smartphones ay nagiging madalas sa mga panahon ngayon, kaya mahalagang ingatan ang pincode ng mga credit cards at mga online banks codes.
Piliin ang mga impormasyon na ilalagay sa social media
Ang mga cybercriminals ay nakakakuha din ng mga impormasyon sa pamamagitan ng social media kung kaya’t makakabuting iwasan ang maglagay ng mga sensitibong impormasyon tulad ng pangalan ng sariling bangko o ng ginagamit na credit card.
Two-factor verification
Palaging gumamit ng two-factor verification. Ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng second degree identification, sa pamamagitan ng isang code na natatanggap mula sa text message o sms, maliban sa sariling password.
Iwasan ang pagiging emosyonal
Upang mapababa ang ating depensa, sinusubukan ng mga cybercriminals na gamitin ang ating emosyon. Tayo ay tinatakot o ginugulat sa pamamagitan ng email na tayo ay nanalo ng isang malaking halaga o tayo ay magmumulta o kaya ang bank account natin o credit card ay na-blocked. Kapag nakatanggap ng ganitong uri ng email ay mahalagang manatiling kalma at makipag-ugnayan sa pinaghihinalaang nagpadala ng email tulad ng bangko, ngunit tiyaking sa pamamagitan ng alternatibong paraan tulad ng pagtawag sa telepono. (PGA)