Ngayong laganap ang pandemya, napagtanto ng marami ang kahalagahan ng may ipon at naisip ang halaga ng pagtitipid. Marami ang nagsisi sa pagwawaldas ng malaking halaga sa walang katuturang mga bagay. Huli na ba ang lahat? Hindi! Ika nga, “Better late than never“. Kaya narito ang ilang tips na makakatulong sa pagma-manage ng finances at kung paano mananatiling ligtas ‘financially’ kahit sa oras ng krisis.
Paano ang mag-budget sa panahon ng Covid19?
1. Ilista ang lahat ng expenses
Bilang unang hakbang, importanteng gumawa ng detalyadong listahan ng mga current expenses. Makakatulong ito sa pagma-manage ng income at magiging madali ring i-track ang spending.
Sa pamamagitan ng paglilista ng mga gastusin, naipaplano nang mabuti kung saan dapat mapunta ang pera. Huwag kaliliimutang ilista kahit ang mga pinakamaliliit na bagay na balak paglaanan ng pera. Kasama din dito ang ibinabayad sa rent, utitlities, grocery, pagkain, at iba pa.
Pagkatapos nito, mahalagang ma-identify kung alin dito ang mga NEEDS and WANTS.
2. I-adjust ang budget: magbawas ng non-essential spending
Ipinapayo sa lahat na mag-reassess ng mga current expenses. Mag-identify ng expenses na kailangan i-prioritize at mag-identify ng expenses na pwedeng bawasan. Sa ganitong paraan, mapag-aaralan mo kung saan maaaring makatipid at makaipon
3. Matutunang mag-monitor ng mga spendings
Para ma-monitor o makontrol ang spendings o paglabas ng pera, mainam na markahan ang kalendaryo sa tuwing may inilalabas na pera. Maaaring magpalipas ng ilang araw bago muling maglabas ng may kalakihang halaga. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang araw-araw na pagwawaldas, lalung-lalo na sa mga bagay na hindi naman gaanong kailangang pagkagastusan.
4. Gumawa ng detailed grocery list
Pagdating sa grocery, gumawa ng listahan ng essential needs lamang at sundin ito. Siguraduhing kasama rito ang healthy items tulad ng prutas, gulay, legumes at seeds na nakaka-reduce ng expenses as much as possible.
Para sa household items tulad ng sabon, toothpaste, toilet paper, detergent, at iba pa – tandaan na ‘di kailangan mag impulse o panic buying.
5. Huwag gumastos para sa mga hindi kinakailangang bagay
Mahirap tanggihan ang isang bagay na nakakuha ng iyong atensyon habang namimili sa mall o sa supermarket. Kaya naman para maiiwasan ang “impulse buying” o pagbili ng mga bagay na hindi naman dapat paglaanan ng pera, sundin ang shopping list bago umalis sa bahay.
Pairalin din ang “10-second rule”, yon sa isang eksperto. Sa tuwi umanong bibili ng mga gamit ay mayroong nais bilhin, hawakan ito at tanungin ang sarili: “Kailangan ko ba ‘to o ito’y isang luho lamang?
6. Kahit paunti-unti, mag-ipon araw-araw
Sa panahon ng pandemic ay walang mga social gatherings, namamalagi sa bahay ang mga tao imbis na gumala kasama ang mga kaibigan, nabawasan ang mga okasyon at bondings tulad ng panonood ng sine at kain sa labas, na karaniwang nakakasira ng ating budget. Ito ay makakatulong upang makapagtabi kahit paunti-unti.
Tanungin ang sarili, ano ang kailangan para mag-survive? Sa oras ng panganib, mahalaga pa rin ang may savings kaya mas magandang bigyang importansya ang essential needs lamang at magtabi ng pera, para may mabubunot kung may emergencies.
Sa panahong ito, simulang pairalin ang SUWELDO – SAVINGS = GASTOS at tigilan na angSUWELDO – GASTOS = SAVINGS. (PGA)