Muli na namang napatunayan ng Pambansang Kamao, Manny ‘Pacman’ Pacquiao ang bangis ng kanyang kamao at bilis at liksi ng kanyang kilos kontra sa Grand Master ng Ghana Joshua Clottey.
Marso 13, Dallas, Texas. Muling niyanig at pinatigil ni Pacman ang mundo sa pinakahuling laban kontra ke Joshua Clottey. Nagkaisa ang lahat ng Filipino sa panonood sa nasabing laban na ginanap sa malaking stadium, ang Cowboys Stadium ng Dallas. Sinsabing may 50, 944 na katao ang nanood ng live fight at sinasabing eto ang pangatlo sa pinakamaraming tao na nanood sa nasabing stadium.
10:00pm US time ng sinimulan ang laban. Dito sa Italya, matiyagang naghintay ang mga Pinoy fans ng alas tres ng madaling araw via internet broadcast. Hindi naman binigo ng pambansang kamao ang mga Pinoy fans dahil mabilis at malalakas ang pinakawalan nyang suntok at pagpapatumba sa kalaban. Ngunit, nangyari ang hindi inaasahan, sa loob ng 12 rounds ay nanatiling nakatayo ang Ghanian boxer at animo’y hindi natitinag sa pagsalag sa mga suntok ni Pacman.
‘Boring,’ eto ang komento ng ilan sa mga nakapanood ng laban. Naging mabagal ang pagdating ng thrill at rush ng laban dahil na rin sa hindi inaasahang ginawi ni Clottey. Animo’y batang takot na takot makorner si Clottey at halos naging bahagi na ng kanyang katawan ang kanyang gloves sa tindi ng depensang pinakita nito sa laban.
Malalakas ang mga punches ng pambansang kamao at nagmukha pa etong pelikula ni FPJ. Samantalang nanatili lamang sa pagdepensa ang kalabang si Clottey. Nagsimula lamang maginit ang mga fans ng pakawalan ni Clottey ang ilang sure punches na tumama sa mukha at mata ni Pacman.
Gayunman, sa katapusan ng laban, nanaig pa rin ang Pambansang Kamao ng Pilipinas na si Pacman, sa katuwaan na rin ng maraming manonood. Unanimous ang desisyon ng mga judges sa pagkakapanalo ni Pacqiuao at nananatiling World Boxing Organization (WBO) welterweight champion.
Sa huli, muli na namang napatunayan sa buong mundo ang galing ng Pinoy na gaya ni Pacqiuao at nagbubunyi ang buong Pinoy sa bawat panig ng mundo. At kasabay nito napatunayang walang matigas na Clottey sa mabilis at magaling na Pacman.