Sa ngayon ay sumapit na, ang buwan ng pagtitika
Ang panahong kung tawagin, ay panahon ng Kuwaresma
Ang lahat ng katoliko, nagsisissi’t sumasamba
Bilang isang paghahanda, sa darating nating Pasqua
Atin ngayong gunitain, ang pasakit at pahirap
Na tinamo nitong Poon, sa kamay ng mga sukab
Ang latigong inihampas, ay lumikha nitong sugat
Na siyang sanhi ng pagdaloy, nitong dugong di maampat
Sa Kanya ay ibinintang, ang lahat ng kasalanan
Na Siya ang puno’t dulo, ng sa mundong kasamaan
Ang lahat ay tinanggap Nya, sa kamay ng mga hunghang
Ang traidor na si Hudas, pasimunong tampalasan
Ang buhong na taga hatol, dili iba’t si Pilato
Ay sumunod kapagdaka, sa sumbong ng mga hudyo
Isang hukom na ang utak, ang laman ay puro abo
Ay kung bakit naging hukom, ang tulad nyang isang bobo
Sa Kaniya’y iniatang, ang Krus na sakdal bigat
Ang Krus na sakdal laki, at sa haba’y di masukat
Ang Krus na naging sanhi, nitong sugat sa balikat
Isang sugat na katumbas, ng sala ng lahat-lahat
Sa dami ng mga latay, na dumapo sa katawan
Isa dito ay sa akin, ito’y di ko tatanggihan
Ito’y aking aaminin, at sa mundo’y isisigaw
Akong ito’y isang hamak, at puno ng kasalanan
Oh POON ko, aking POON, ako’y iyong patawarin
Akong ito’y nagkasala, nagsisisi ng taimtim
Ang Krus na iyong pasan, ay ibigay mo sa akin
Ang sugat sa balikat mo, sa luha ko’y papawiin
Mahal kita PANGINOON, sa iyo ‘y aking ibibigay
Ang lahat ng aking oras, maging itong aking buhay..
IKAW itong kasama ko, araw-gabi’y gumagabay
Kung wala Ka ay wala rin , ang alabok kong katawan.
ni: Letty Manigbas Manalo