NAKARAAN: Paalis na sana si Amy sa matagal niyang paghihintay sa bahay ni Rachael sa Pangasinan. Pero malaki ang naibigay na pag-asa ni Joy nang sabihin niya nasa Maynila ang dalawa niyang kapatid sa pangalawang asawa ng kanyang mama Rachael. Si Joy sa edad na 18 ay alam na tama lang ang kanyang gagawin para sa kanyang mga kapatid na sina Diana at Sam.
“Salamat, Joy ?!”, iyon na lang ang nasambit ni Amy sa kanyang sarili.
Nasa loob na siya ng bus patungong Maynila. Baon niya ang pag-asang makita ang dalawang bata. Puno ng pananabik. Alam ni Amy na halos labing-tatlong taon ding nawala sa poder ni Mon ang dalawang anak. Sa laki ng pagmamahal ni Amy sa kanyang pamangkin ay siya mismo ang personal ang maghahanap sa bagong address na ibigay sa kanya ni Joy. Madali namang natunton ang kinaroroon ni Sam ngunit sa kasamaang-palad ay wala si Diana.
“T-Tita Amy?!” nagulat si Sam sa hindi inaasahan na pagdating ng kanyang tiyahin sa kanyang trabaho sa Sampalok.
“Pinasusundo ka sa akin ng iyong papa?!”
“Para ano pa? Sa edad kong katorse kaya ko ng buhayin ang sarili ko at pinag-aaral ko pa si Diana!”
“Pero ang gusto ng iyong ama ay ipagpatuloy mo ang naantala mong pag aaral. Siya ang bahala sa lahat ng gastos!”
“Huli na ang lahat, ang lahat naman ng mga bata kaya nag aaral ay para makapag trabaho. Pero sa katulad ko, hindi ko na kailangan ang mag aral. At higit sa lahat kaya ko ng mabuhay mag-isa at hindi ko na kailangan ang tulong nyo!”
Narinig iyon lahat ng kanyang Tiyo Narding ang kapatid ng kanyang ina na si Rachael.
“Samson, hindi maganda na mamutawi sa bibig mo ang ganyang salita”, ayon sa kanyang Tiyo Narding. “Wala ako sa powesto para makialam sa mga bagay na iyan. Ang mahalaga sa ngayon, may magandang kapalaran na naghihintay sa iyo ngayon. Ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo para mabago ang buhay mo!” tuloy na paliwanag ng kanyang Tiyo Narding.
“Gusto mo ba na lagi ka na lang magkakatay ng manok araw –araw sa madaling araw?”.
Bumuntong hininga si Sam sa narinig niya sa kanyang tiyuhin. Alam niyang totoo lahat ang sinabi sa kanya . Napatingin si Sam sa kanyang Tiya Amy. Humingi siya ng paumanhin sa inasal.
Inayos ni Sam ang lahat niyang gamit at tuluyang sumama sa Bulacan at doon titira kasama ang partido ng kanyang ama. Dalawang oras din ang inubos na oras ni Sam para maiayos ang kanyang mga gamit at tuluyang magpaalam sa mga kaibigan niya. Halos kumakagat na ang dilim ng sila’y nakasakay ng bus patungo sa Bulacan.
Si Sam ay punong-puno ng mga katanungan. Natataranta ang isip at puso niya kung ano ang gagawin sa oras na makita ang mga kamag anak at mga kaibigan sa bagong mundo na gagalawan niya. (ni: Arnold G. Ramos)
ITUTULOY