Poon ko, patawad po sa aking mga kasalanan!
Ilang araw na lang at MAHAL NA ARAW
Ang dakilang araw sa lahat ng araw
Ang araw nang SIYA sa mundo’y pumanaw
At muling nabuhay sa ikatlong araw
Ating gunitain ang paghihirap NIYA
Ang hirap at sakit na KANYANG binata
Ang Mahal na Dugong nagmula sa KANYA
Ang siyang tumubos sa ‘ting mga sala
Itong mga Dugong mandi’y sumambulat
Kahit na harangan ay hindi maampat
Sa lakas ng daloy baha ang katulad
Nagmula sa sugat sa lupa’y dumanak
Ang mabigat na Krus ang siyang umukit
Sa KANYANG balikat lumikha ng sakit
Hindi alintana balat na napunit
Na sa ating sala ang siyang pumalit
Mahabang Kalbaryo ang KANYANG binagtas
Bako-bakong daan madilim na landas
Ang KANYANG layunin tayo ay iligtas
Na sa buhay NIYA ang nagbigay wakas
SIYA’y ipinako sa Krus na Mahal
Kasabay ang daing at mahinang sigaw
Sa katahimikan ay umalingawngaw
Ang dakilang tinig “AKO’Y NAUUHAW “
Ang mahinang daing at tinig na bahaw
Mandin ay narinig ng mga halimaw
Apdong sakdal pait ang siyang ibinigay
Pilit na nilagok kahit na aayaw
Kahalo ng Dugo Luha ay pumatak
Sa tindi ng pait sa dila’y nalasap
Ang sponyang basang sa labi’y lumapat
Katumbas ng salang ginawa ng lahat
Nang KANYANG malasap ang kaparusahan
Sa kamay ng buhong at ng tampalasan
Muli’y isang sigaw ang pumailanlang
“AMA KO, AMA KO, IKAW BA’Y NASAAN”
Ang puso ng INA mandin ay nawasak
Nang Kanyang marinig ang taghoy ng Anak
Birheng sakdal linis noon ay nanumbat
“Ang Anak Kong Bunso Bakit Nyo Hinamak””
Nasaan ang tao na naging pabigat
Sa pasan NIYANG Krus sa KANYANG balikat
Ang taong lumikha ng mahapding sugat
At sa KANYANG Dugo ay nagpasambulat
Nasaan ang taong KANYANG iniligtas
Ang taong natukso sa isang mansanas
Ang Eva at Adan na naging pangahas
Na mas pinakinggan ang utos ng ahas
Ako’y kasama rin sa makasalanan
Na naging pabigat sa Krus na pasan
Ngayon ang hingi ko ay kapatawaran
Igawad sa akin OH POON KONG MAHAL.
ni: Letty Manigbas Manalo
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]