in

Primavera, kailangan bang magpalit ng gulong ng sasakyan?

Primavera, kailangan bang magpalit ng gulong ng sasakyan?

Sa pagsapit ng panahon ng primavera o tagsibol ay may mga bagay na dapat isaalang-alang. Isa dito ang pagpapalit ng mga gulong ng sasakyan “kung kinakailangan“. Ang panahon na ito ay nagbibigay ng mas maraming trabaho sa mga tire centers sa mga bansang may four seasons. Nakapila ang mga kliyenteng nais magpalit ng gulong mula sa winter tires para palitan ng summer tires. Ang sunod na pagpapalit naman ay sa pagsapit na ng taglagas bilang paghahanda sa winter. 

Kailan dapat magpalit ng gulong ng mga sasakyan ayon sa batas ng Italya?

Walang sinasabi ang batas patungkol sa eksaktong petsa ng pagpapalit ng gulong. Ngunit kung ang speed code ng gulong na pang winter ay mas mababa kesa sa code ng pang summer, malinaw ang batas. Kailangang magpalit ng gulong mula ika-15 ng Abril hanggang sa ika-15 ng buwan ng Mayo. Ito ay para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. 

Ang summer tires ay mas may grip, mas tahimik sa kalsada, mas tipid sa pagkapudpod, at mas makakatipid sa konsumo ng gas. Pag ginamit ang winter tires sa mainit na panahon ay mas mababa ang security at efficiency na maibibigay ng mga ito. 

May multa ba ang mga hindi susunod sa batas na ito?

Maaaring sa random control ay suriin ang konsumo ng gulong. Ayon sa codice della strada, kailangang nasa 1,6 millimeters ang natitirang battistrada o tire treads para hindi mamultahan. Ang multa ay aabot sa 87euro at hindi papasa sa revisione pag hindi napalitan ang gulong. 

Bakit naman mahalaga ang sukat na ito ng tire treads? Ito ang magbibigay ng stability sa takbo ng sasakyan lalo na kapag may tubig sa kalsada. Kapag ang tire treads o tinatawag na “kanal” ay hindi malalim, malaki ang posibilidad na dumulas ang mga gulong at mawala sa kontrol ang sasakyan. Payo ng mga eksperto ay ugaliing suriin ang tread wear indicator sa gulong. Kapag ang indicator na ito ay “nakausli” na, ang gulong ay dapat nang palitan. May teknik din ang iba na mas madaling gamitin para malaman ang konsumo ng gulong. Maaaring gamitin ang 1euro coin. Ipatong ito sa kanal ng gulong. Kapag ang golden part ng coin ay hindi lumubog sa kanal, ibig sabihin na kalbo na ang gulong. Kailangan nang magpalit sa lalong madaling panahon. 

Paano naman kung ang gamit na gulong ay ang tinatawag na “quattro stagioni” or all season tires?

Ang uri ng gulong na ito ay maaaring gamitin sa buong taon. Hindi obligadong magpalit at walang multang haharapin. Marami ang gumagamit ng uri ng gulong na ito para makatipid, ngunit hindi nito maibibigay ang best performance ng gulong na nagagawa ng seasonal tires. Tandaan lamang na sa loob ng 15 hanggang 20 thousand kilometers ay kailangan ang check-up ng mga gulong para sa balancing. Kalimitan ding ginagawa ang pagpapalit ng harap at likod na gulong para pantay ang pagkapudpod ng mga ito. Laging tandaan, sa pagsusuri ng mga gulong ay kailangang walang mga cracks, bukol, at mga nakaumbok sa gulong. Pag napansin ang mga ito ay kinakailangang magpalit agad ng gulong. May kamahalan ang pagpapalit ng gulong. Ngunit huwag isugal ang buhay sa ngalan ng pagtitipid. (Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bonus Vacanza 2021, may pagbabago

Regional Champion sa swimming sa Reggio Calabria, isang dalagitang Pinay