Ang puto bumbong, bukod sa kilalang pagkaing Pinoy at bahagi din ng Pamaskong tradisyon sa Pilipinas. Ito ay kulay lila/ubi at kakaning gawa sa giniling na malagkit na bigas.
Ang salitang “puto bumbong” ay hango sa mga katagang “puto” (pinausukan na malagkit na bigas) at “bumbong” (silindrong kawayan).
Sa Pilipinas, ang Kapaskuhan ay opisyal na nagsisimula sa unang araw ng Simbang Gabi, Disyembre 16 at dito masasaksihan ang paglaganap ng dalawa sa pinakapopular na pagkaing pamasko, ang bibingka at puto bumbong. Ang mga nagbebenta ng mga kakaning ito ay makikitang nakahilera sa labas ng simbahan at dinudumog ng mga deboto pagkatapos ng misa.
Sangkap
- 1 kilo malagkit na bigas (glutinous)
- 125 gr. ng ordinaryong bigas
- Kulay ubi na pangkulay sa pagkain (violet food coloring)
- Kinudkod na niyog
- Mantikilya
- Asukal
- Tubig
- Asin
Paraan ng Pagluto
Hugasan ang malagkit at ordinaryong bigas at ibabad sa tubig na may asin, gayun din ang kulay ubi na pangkulay sa pagkain ng 3-4 na oras. Patuyuin ito sa bilao ng buong magdamag, pagkatapos ay lamutakin para maghiwalay. Pinapasingawan ito gamit ang “lansungan,” isang heat steamer o lutuang pasingawan o pakuluan na nakapatong sa isang bandihadong puno ng kumukulong tubig. Ito ay may dalawang maliit na tubong kawayan sa ibabaw kung saan ipinapasok ang mga sangkap sa paggawa ng puto bumbong. Kapag lumalabas na usok mula sa bumbong, tanda na ito na luto na ang mga puto bumbong. Para madaling matanggal ang puto, ihanda ang pasingawan ng puto bumbong at lagyan ng kaunting mantikilya ang lalagyan ng bumbong. Ang mga nalutong puto bumbong ay ibinabalot sa sariwang dahon ng saging, pinapahiran ng matikilya at nilalagyan ng kinudkod na niyog at asukal sa ibabaw bago ito ihain. (WikiFilipino)