in

Si Ka Panching

Ang kwento ay kathang isip lamang. Anuman pagkakahawig sa tunay na buhay at mga pangyayari ay di sinadya. Ang mga lugar, pangalan, institusyon at buong kwento ay gawa-gawa lamang ng manunulat.

Si Ka Panching… isang butihing Ina. Huwaran ng pagmamahal at pagkalinga. Si Ka Panching, hindi nag-iisa – nakakintal sa puso at isipan ng kanyang mga anak. Ang kanyang paalala “Mahalin nyo ang inyong mga magulang habang nabubuhay pa. Kapag sila’y yumao na, isa na lamang “palabas” ang lahat ng paghahandog

Bantog na mangungulot sa bayan ng Quingua na ngayon ay kilala bilang Plaridel si Ka Panching. Noong panahon niya, ang mga babae ay hindi itinutulak na mag-aral. Nakumbinsi lamang niya ang kanyang ama na kahit beauty culture ay mapagtapusan. Pangarap sana niyang maging guro. Ito ang kanyang bukangbibig.

Tatlong lalaki at isang babae ang magkakapatid na ibinunga ng pagmamahalan ng mag-asawang Trining at Panching. Si Ka Trining naman ay isang karaniwang empleyado sa DPWH. Simple at di palakibo. Tanging ang libangan ay magbasa. Walang bisyo. At di palabarkada.

Sa kanilang bakuran, may kawayanan, puno ng saging na saba, tampuhin at lakatan, kaymito na ube at berde, puno ng kamansi, malaking puno ng manggang piko, bayabas na native, atis sa tapat ng kanilang tarangkahan, kamotehan at luyahan. May mga alaga din manok at baboy. Isang araw ay nagsisigaw si Ka Panching “ninakaw ng mga demonyo si Tanghod”! buwisit!. isang pabo na palaging nag-aabang sa mga itatapon na tira-tira mula sa pamingalan, kaya binansagan na “tanghod”.

Sa likod bahay, na kung tawagin ay “kabilang kalsada”, nandoroon lamang ang Elementary at High School na pinapasukan ng 3 magkakaptid. Inihahatid na lamang ng tanaw ni ka Panching patungong iskwelahan ang 3 at ng kanilang asong ang pangalan ay Manila. Ang pang-apat ay nasa kanya pang sinapupunan ng panahon na iyon. Pagkatapos nito ay luluwas na sa bayan para magtrabaho.

Sumusilip pa lamang ang liwanag ay umaalis na patungong Malolos si Ka Trining. Araw-araw, ipinagluluto siya ng maibabaon ni Ka Panching. Kaya maagang gumigising ang mag-asawa para ihanda ang lahat. Igayak ang mga bata, mailigpit ang silid tulugan, mahawan ang kalat sa bahay. Paulit-ulit ang ganitong eksena. Nakakapagod subalit di nagsasawa ang dalawa.

Napilitan na ipagpatuloy ni Ka Panching ang pangungulot sa Baryo. Ito’y sa pangyayaring ang kaniyang Ina ay nagkasakit, ilang taon lamang matapos mamatay ang kanyang Ama. Dahil likas na mahusay, sinusundan pa rin ng kanyang mga suki. Ang dating sala ay ginawang bahay-kulutan. Inilipat ang malalaking salamin na ang sabi ng marami ay may madyik dahil ito’y nagpapaganda sa tuwing sila’y haharap dito.

Nagbago ang relatibong magaan-gaan na buhay ng humina ang pagkukulot ni Ka Panching. Sanhi ng unti-unting paglabo ng kanyang mga mata na nagdudulot ng pagkaliyo. Naging madalas ang pagbisita niya sa albularyo.

Ng magretiro si Ka trining, nagbukas ng sari-sari store sa baryo. Pagtitingi ng bigas, mantika at kung ano-ano pa na maaring pagkuhanan ng dagdag kita.

Kasunod ng ikot ng mga kaganapan, kailangan ng mag-kolehiyo ng kanyang mga anak. Di nawalan ng diskarte si Ka Panching. Ang panganay na lalaki ay sinikap na pag-aralin sa Bulacan College of Arts and Trade, kurso na draftsman ang kinuha. Ang babae ay Secretarial sa Bulacan Community College sa Malolos, ang pangatlo ay di na nakapagtapos at nagtrabaho na lamang sa Maynila. Ang bunso naman ay katatapos lang makagradweyt ng elementarya.

Walang nasasayang na damit, sapatos at uniporme, maging notebook na gamit sa iskwela..“ Red, tawag niya sa kanyang bunsong anak.., “isukat mo nga itong sapatos na ito”..Pinaglakihan ng kanyang diko..”Tingin ko ay kasya na sa iyo, sayang naman kung itatapon, maganda pa”.. Iyon din ang sapatos na pinaglumaan ng may kaya-kayang kamag-anak sa Mojon. Hangga’t ang suwelas ay buo, ang kupas na sapatos ay may gamit pa para sa kanya.

Balitado na masarap magluto itong si ka Panching. Ito ang umiinog na kwento sa magkakapitbahay. “Mahusay ang kanyang pamamaraan sa kusina” ,yan din ang madalas sabihin ng kanyang mga kaibigan..Sikat ang kaniyang dinuguan, lumpiang ubod, sinigang na palaka sa dahon ng sampalok, ginataang kamansi at susong hapon, pinangat na biya sa dahon ng saging.

Ang hindi alam ng karamihan, sa kabila ng lahat ng ito, nagtatrabaho din siya bilang tagakwenta sa isang Rice Mill ,..“ Oy Panching”, tawag ng kaniyang kaibigan matalik na si Ka Petang.., “dumating na ba ang 3 sako ng isda na ipapakain natin sa mga itik”?. “Oo, ipinadala ko na sa kamalig sa tabi ng sangka”. Pinipili ni ka panching ang malalaking tilapya mula sa mga sako na ipapakain sa itik at inuuwi niya ito para idaing, o paksiw. Pandagdag na kakainin sa hapag kainan.

Pinipilit ni Ka Panching na tuwing araw ng linggo pagkatapos magsimba ay magsalo-salo ang buong pamilya. Kahit papaano ay isang masustansya at maayos na tanghalian. Subalit iba ang karaniwang araw. Maraming pagkakataon na pinahahatian ng 2 anak ang isang pirasong galunggong. Sitsaron bilang ulam sa maraming kanin na may sawsawang suka at bawang. Ang itlog na maalat ay hinahaluan ng sangkatutak na kamiyas at kamatis na papatakan ng patis Paombong. Sa kabila nito, magana at busog ang lahat.

Sa ngayon ang dating masukal na bakuran ay puno na ng kabahayan..Naibenta na ang kulumpon ng kawayan, nagamit na sa pagpapaaral. Wala na rin ang sagingan. Putol na rin ang punong mangga na ang bunga ay animo siningwelas ang lasa kapag maniba. Wala na rin ang tanim na kamote at luya. Sarado na din ang kulungan ng mga manok at mga baboy.

Ang dagundong ng mga nagtatakbuhang paa sa paligid ay napalitan ng nakabibinging katahimikan. Ang ingay at kaluskos sa unang palapag ng sahig na yari sa kahoy ay tinangay na ng hangin. Huminto na rin ang mga hagikgik at kantyawan, inggitin, tuksuhan. Bihira na rin ilatag ang nakabalumbon na banig.

Ang bunso na palaging nag-uuwi ng kamote at mani na sumasama sa panghihimalay ay tumuntong na rin sa kolehiyo.

Isa na lamang ang natira sa dating abalang-abala at masiglang tahanan. Ang makisig at mestisuhin kabiyak ay lumisan na rin. Tanging ang silyon sa biranda ng kanilang tahanan ang iniwan. Nanatili ang sampaguita na arkong nakayungyong sa tarangkahan ang nagsisilbing palantandaan ng mga naglalabas-pasok sa bakuran. Si Ka Panching na lamang at ang kanyang kasambahay.

Si Ka Panching na buong panahong nag-aabang sa pagbisita ng kanyang mga anak at mga apo. Si Ka Panching na pilit nagtatagni-tagni ng mga pangyayari at kwento. Kapalit ng bahagyang ngiti at paggalaw ng kanyang pisngi. Isang Ina na ang mga sakripisyo ay isang kagalakan. Na ang tanging natirang yaman ay ang ukyabit at yakap ng kanyang mga mahal sa buhay. Nag-aabang ng halik. Naghihintay ng makakatalamitam. Sandaling pipitik sa kanyang puso. Magpapakislap ng kanyang mga mata. At gigising sa malamlam na gunita.

Si Ka Panching… isang butihing Ina. Huwaran ng pagmamahal at pagkalinga. Si Ka Panching, hindi nag-iisa – nakakintal sa puso at isipan ng kanyang mga anak. Hindi malilimutan ang kanyang paalala “ mahalin niyo ang inyong mga magulang habang nabubuhay pa. Kapag sila’y yumao na, isa na lamang “palabas” ang lahat ng paghahandog”.

 

Ibarra Banaag

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Embahada sa Roma at Konsulado sa Milan, magbubukas simula Mayo 18. Ang mga detalye.

Regularization ng mga laborers, colf at badante, nalalapit na ba?