in

Si Mang Emong at ang kanyang buhay sa abroad

Panibagong kwento ng pakikipagsapalaran. Isang kwentong kathang-isip lamang na ang tanging layunin ay ang magbigay-aliw sa mga mambabasa. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.

 

Siguro ligtas nang sabihing mahigit sangkatlo ng kanyang buhay ay inilaan niya sa pandarayuhan. Kung may medalya lang na pwedeng isabit sa kanya at kung ano man ang tawag doon ay nararapat lang na igawad nang wala ni kahit isang hibla ng pagdududa. May edad na siya ng yumapak sa Italya. At bago siya nakipagsapalarang muli, nanumpa siya sa ngalan ng Maylikha na hindi na muling aalis ng bansa. Pero heto, katulad ng maraming kwento, hindi sa bato itinaga ang panata, tanging sa isip lang niya ito umukit ngunit di nag-ugat. Ang kahirapan ng buhay at kawalang-trabaho ang nagtulak sa kanya na irekonsidera ang paga-abroad.

Kung gaano kabilis dumating si Mang Emong sa Italya, ganoon din kabilis ang kanyang naging paglisan. Parang bayawak sa lungga ang pakikipaghilahan ng buhay. Walang makuhang pirmis na trabaho. Hirap makasabay sa bagong lengwahe, di katulad sa Saudi Arabia ingles ang salitang ginagamit. Kahit paano mo man piliting intindihin, ang itsura ay parang isang ga-suntok na bola na pilit isusuksok sa butas ng isang panulat o ballpen. Hayun, wala. Sa limang taon ng kanyang pakikipagsapalaran wala pa ring “swerte” na dumarating.

Isang araw ay may tumawag sa kanya para magtrabaho sa isang Call Center. Dito ang Call Center ay di tulad ng alam natin sa Pilipinas na nagbibigay serbisyo sa mga kliyenteng Amerikano sa pamamagitan ng tawag sa ibang bansa sa pamamagitan ng telepono.. dito ang Call Center ay isang negosyo na may mga telephone booth para makatawag ka sa iyong pamilya, kaibigan, kasintahan o kung ano pa mang layunin sa iyong pinagmulang bansa. O para sabihin ang “codice” at kung magkano ang ipinadalang pera sa Money Transfer.

Sa maliit na negosyong ito, magbabantay siya. Subalit nitong huling mga araw tila may ibang mensaheng hatid ang kanyang mga pagbati. Di na siya magiliw tulad ng dati. Ang dating puno ng pag-asa ay naupos na tulad ng kandila. Alam niyang mapanganib ang kanyang trabaho kaya nga madalas niyang ibinubulsa ang kanyang passport. Di lang isang beses na siya’y naharang para sa isang tsek-point ng pulis. Hindi siya hinuli at ikinulong. Kaya sanay na siya sa ganitong mga posibleng mangyari. Subalit iba ito sa mga pagkakataong siya’y natityempuhan sa daan. Araw-araw siyang nakabantad sa isang negosyo na alam naman ng lahat na bawal mag-empleyo ng isang di regular. Tiyak kapag natiklo, pagmumultahin ang may-ari ng malaking halaga at deportasyon sa panig ng nagtatrabaho.

Tinanong ko si Mang Emong isang araw. “Pano yan mang Emong kung may mag-kontrol at hulihin kayo?.” Walang kagutal-gutal ang kanyang sagot, “Handa na ako sa anumang mangyayari”, sagot niya. “Sabi ko tuloy, ide-deport kayo pabalik sa atin”. Nakakagulat ang sumunod niyang sinabi . “Okay lang sa akin, mabuti nga iyon at makakauwi ako sa Batangas ng libre pamasahe”.

Naging palaisipan sa aking ang ganitong mga katwiran. Inisip kong gusto na rin niyang umuwi sa Pilipinas. Tinangap na niyang siya’y bigo sa kanyang muling pangingibang-bayan. “Ipa”, buhay ng isang ipa ang buong panahon ng kanyang pananatili. Hangin ang nagpapasya o nagtatakda ng kanyang buhay. Naghihintay sa maaring maging kaganapan. Mabuti man o masama. Tagumpay man o pagkabigo. Masaya man o malungkot. Pananatili o pagpapalayas. Lahat ito’y nakaasa sa kapalaran. Ngunit may isang bahagi ng kanyang isipan ang aking hinangaan. Ang tapang na iuwi sa kanyang bayan ang salitang “bigo”. Ang tapang na umuwi para magsimulang muli kasama ang pamilya. Bagay na marami sa atin ang nahihiyang aminin ang tunay na kalagayan ng buhay at sakripisyo ng isang OFW sa Italya.

Kinaumagahan, nang bumalik ako sa call center ay wala na si Mang Emong. May nagtimbre naman daw na lumabas na muna ng negosyo dahil may nag-iikot na Guardia di Financia—parang BIR sa Pilipinas. Subalit pinili pa rin ni Mang Emong na manatili sa loob. Sigurado akong nakasuksok sa kanyang bulsa ang tanging dokumento na pwede niyang magamit- ang kanyang passport. Hindi ko alam kung sinadya niya ito o itinuring niyang pagkakataon. “Tama na”, ito marahil ang mensahe ni Mang Emong. Tama na.

 

ni: Rhoderick Ople

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Deklarasyon ng ibinigay na sahod, kailangang ibigay sa mga colf

Pagpapalit ng residensya, ano ang proseso?