in

Si Pareng Rey at ang kwento ng kanyang pag-ibig at pakikipagsapalaran

Iba’t -ibang kwento ng pag-ibig at pakikipagsapalaran ang ilalathala linggo-linggo bilang handog ng akoaypilipino.eu sa pagpasok ng buwan ng mga puso. Mga kwentong kathang-isip lamang na ang tanging layunin ay ang magbigay-aliw sa mga mambabasa. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.

 

Si Pareng Rey

Taal na taga-Bataan si Pareng Rey. Marunong kapwa ng salitang Tagalog at Kapampangan. Palibhasa magkanugnog ang dalawang probinsya na nagsasalita ng ganitong lengwahe. Magsasaka ang pamilya na pinagmulan ni Pareng Rey. May pilat sa kaliwang pisngi. Nahagip ng bala nang paputukan sila ng mga goons ng asyenderong nagpapalayas sa kanila sa lupa. Malaon na nilang binubungkal ang tumana. Dahil sa pangyayari, iniwanan ni pareng Rey ang pagsasaka.

Naisipan niyang mamasada na lamang ng dyip. Lumaon, sa tulong ng kanyang kabiyak nakasakay siya ng barko. Tik-tik kalawang. Di ko alam bakit sinabing tik-tik kalawang. Naiisip ko tuloy, kung sa barko ganito na lamang ang ginagawa niya maghapon. Sadya kayang malupit kumain ng kalawang ang alat ng tubig dagat? Kung sa baryo, araro at lilik ang kanyang hawak. Martilyo naman sa barko. Dalawang bagay na magkaiba subalit magkatulad ang silbi at gamit. Pambuhay sa kumakalam na sikmura.

Nabalitaan ko na lang na andito na si Pareng Rey sa Italya. Iniwanan na niya ang pagiging seaman. Una ko siyang nakita sa bahay ng kayang kaibigan. Ganoon pa rin si Pareng Rey. Nakamaong na kupas, paborito niya ang Levis, Hanes t-shirt, balat na sapatos at siyempre mahaba ang kanyang buhok. Jeproks kung tawagin sa atin sa Pinas. Simple lang siyang pumorma. Palaging magaan ang kamay na bumati at di mo mananakawan ng ngiti lalo na’t makakasalubong mo sa daan.

Una siyang sumabak bilang badante. Madali lang ayon sa kanya ang trabaho. Sa umaga ibabangon ang matanda, huhugasan, papalitan ng diaper at pakakainin ng almusal. Sa tanghali ibabangon uli, huhugasan,papalitan ng diaper at patutulugin para magpahinga. Sa gabi ibabangon uli para maghapunan, huhugasan, papalitan ng diaper at ibabalik sa kayang kama. Bukas na sila muling magkikita ng kanyang alaga. Paulit-ulit na ganito, para bang isang batas at orasang iinog sa iisang direksyon. Di pwedeng pagsawaan, bawal mainip kahit di ka makalabas. Ang tanging sariwang hangin na iyong malanghap ay ang sandaling durungaw ka sa bintana. Ginto ang bawat sandaling may makasalamuha kang kapwa mo Pilipino.

May pamilya si Pareng Rey sa Pilipinas. Subalit nakatagpo siya ng bagong pag-ibig. Isang kababata. Isang kapwa niya OFW mula sa ibang bansang kanluran. Datapwa’t nagmamahalan – di sapat ang tinig at nakasulat na mensaheng dumadaloy sa mga kable at linya ng telepono. Mabilis pa sa alimpuyo ng hangin, naglaho ang mga salita, nanumbalik ang inip. Pagkabagot. At ang nakabibinging ingay ng katahimikan at pananawa.

Minsan nabanggit niya, “Pare babalik na ako ng Pinas.” “Nababagot na ako dito”, “Nagsasawa na ako”, “Ang hirap gawing normal ang buhay”. Ganito ang kanyang mga tinuran. Naintindihan ko kung bakit tuwing dadalawin ko siya, walang araw na di siya nakainom, walang sandali na di siya humihitit ng yosi at palaging malungkot ang kanyang tinig. Madilim ang bawat sandaling magpapaalam sa kanya pabalik sa aking hanapbuhay.

Bago umuwi si pareng Rey di ko maiwasang itanong kung di ba siya kontento sa kanyang kinikita. Sa tagumpay na makarating dito sa Italya at makatulong sa pamilya. Sabi niya sa akin ng may marahang tinig subalit matining ang titig, pahiwatig na determinado at seryoso ang kayang mga plano: “Ang tagumpay ay di masasalamin sa laki ng bahay at lupang ating naipundar. Ako, ay bilanggo ng ganitong mga pangarap, nais ko lang lumaya”. Sa Pilipinas, mamamasada muli si Pareng Rey, magbubungkal muli ng lupa, makikipagtawanang muli sa kanyang mga kaibigan , mangangapitbahay, tatambay sa mga pondahan at makikipagsapalaran, magsisimula ng “luma at bagong buhay”.

 

ni: Rhoderick Ople

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Fondo Asilo, Migrazione at Integrazione, simula ng aplikasyon para sa mga territorial projects

Decreto flussi 2016, ihanda ang aplikasyon online simula Feb 3