Rome, Abril 10, 2012 – Habang ang buong mundo ay namamangha sa mga kaganapan ng paggunita ng Semana Santa sa Pilipinas, sari-saring batikos naman sa social media ang natamo ng mga larawan ng krus na ginamit sa “Passion of Christ” ngunit ginamit naman ng mga turista sa pagpapakuha ng mga litrato na kunwari’y nakapako sa simbolo ng Kristiyanismo.
Ayon pa rin sa mga social network, ang mga larawan ay kuha diumano ni Maike Domingo at pinaniniwalaang kuha sa Pampanga.
Naging “viral” na rin ang mga larawan sa Facebook at umani ito ng napakaraming batikos mula sa mga nakakita nito.
Isang larawan ay nagpapakita na naka-posing pa ang isang babaeng naka-maong shorts, shoulder bag at sun glasses habang nasa harapan ng maraming tao na tila hindi alintana ang nagaganap o naghihintay na sila naman ang susunod.
Ang isa naman ay tila turistang dayuhan at ang ikatlo ay Pilipinong nakasuot pa ng bonnet.
Samantala, hindi pa rin makilala ang mga turistang nag-posing sa itaas ng krus at kung ano ang dahilan kung bakit nila ito ginawa.